BATANGAS- DINAKIP ng mga awtoridad ang 44-anyos na construction worker matapos nitong patayin sa saksak ang live- in partner sa Barangay Zone 8 ng Taal sa lalawigang ito kahapon ng umaga.
Kinilala ni Col. Samson Belmonte, Batangas police director ang suspek na si Jayson Agas Vergara.
Base sa pagsisiyasat ng pulisya, humingi ng tulong ang 7-anyos na bata sa barangay kaugnay sa matinding pag- aaway ng kanyang magulang.
Agad namang tumawag sa himpilan ng pulisya ang hepe ng barangay para sa nasabing kaguluhan.
Pagdating sa bahay ng biktima, nadatnan ng mga pulis si Vergara na nag-iiyak yakap ang isa pa nitong anak na lalaki sa tabi ng duguan katawan ng asawa na wala nang buhay.
Mabilis na inaresto si Vergara na agad na umamin sa ginawa nitong nananaksak sa biktima hanggang sa mapatay.
Ayon sa pamilya ng misis ni Vergara, matagal na umanong nag- aaway ang dalawa dahil sa pagseselos ng suspek.
Nakakulong ngayon sa Taal municipal jail si Vergara.
ARMAN CAMBE