MISIS TINODAS NI MISTER DAHIL SA SELOS

BULACAN-HALOS naagnas na nang mahukay ng mga pulis ang katawan ng isang babae na 15 araw ng nawawala sa Brgy, Poblacion sa bayan ng Norzagaray.

Ganap na alas- 4 ng hapon nitong Biyernes nang matukoy ng mga awtoridad at ng kapatid ng biktima na si Aurea Zacarias ang katawan ni Rowena Zacarias Conda, 27- anyos, sa likod ng isang bodega ilang metro lamang ang layo sa tahanan ng biktima.

Nabatid na Abril 15 pa nawawala si Rowena kung kaya’t agad nagsagawa ng imbestigasyon si SMS Christopher Vicente sa lugar kung saan nakita ang bagong hukay na lupa sa likod ng isang bodega ng Homes hardware.

Sa tulong ng SOCO, nahukay ang katawan ng biktima na nakabalot sa kulay asul na tarpaulin.

Dakong alas- 8:30 na nang gabi ng kilalanin ng kanyang kapatid ang katawan ng biktima.

Samantala, dahil na rin sa nakonsensiya ay boluntaryo nang sumuko sa mga pulis ang suspek na si Jerwin Conda, 25-anyos, asawa ng biktima at caretaker/helper ng color homes hardware sa Brgy Poblacion, Norzagaray, Bulacan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at ng kanyang mister dahil na rin sa matinding selos na naging sanhi ng karumal-dumal na pagpatay sa biktima.

Kasong Parricide ang isasampa laban sa suspek. THONY ARCENAL