MISS MAKATI 2019: CREATING THE FUTURE NOW

MISS MAKATI 2019

(ni CHE  SARIGUMBA mga kuha ni AIMEE GRACE ANOC)

BAGO ang coronation night mamayang gabi ay humarap na sa media noong Miyerkoles ang 24 na kandidata ng Miss Makati 2019 na ginanap sa The Conservatory, Peninsula Manila.

Kokoronahan ang susunod na Miss Makati 2019 sa Makati Coliseum mamaya. Kabilang sa mga hurado sina fashion designer Albert Andrada, Paul Cabral, at Anthony Ramirez; Shiela Romero, CEO ng Air Asia; Kate Pagkalinawan, CEO at presidente ng iSkin Aesthetic Lifestyle; George Royeca, Angkas public affairs head; Tim Yap, TV host; at mga aktor na sina Ruffa Gutierrez at Franco Laurel.

Sa pagharap sa media ng 24 na kandidata, nagkaroon sila ng pagkakataong humingi ng payo kay Ruffa Gutierrez na naging guest din sa nasabing event.

Ayon pa kay Ruffa, mag-enjoy at mag-relax lang daw sa kompetis­yon. Pinayuhan din nito ang mga kandidata na maging totoo lang sa kanilang sarili.

RUFFA-MISS MAKATI
RUFFA Gutierrez, isa sa hurado ng Miss Makati 2019 habang nagbibigay ng payo sa mga kandidata.

Ngayong taon, “Crea­ting the Future Now” ang tema ng Miss Makati 2019. Isa ito sa okasyong pinakaaabangan taon-taon sa lungsod sa pagdiriwang ng Foundation Day ng Makati. Samantala, ang tema naman ng seleb­ras­yon para sa ika-349 na anibersaryo ng lungsod ay “Makati 2025: Fast-Tracking Progress.”

Buong pagmamala­king ipinakilala ni Dwayne Samarista ng Makati Museum and Cultural Affairs Office (MCAO) ang 24 Makatizen na nakapasa sa preliminary screening noong nakaraang linggo.

Layunin ng patimpalak na ipamalas ang angking talino at galing ng mga babaeng Makatizen, at kilalanin ang may namumukod-tanging kakayahan upang maisulong ang adhikaing maging kauna-unahang Smart City sa bansa ang Makati.

Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Abby Binay na kabilang sa mga katangian ng Miss Makati bukod sa ganda at talino ay ang pagi­ging magandang impluwensiya sa mga kabataang Makatizen.

“Malugod kong binabati ang 24 na binibi­ning handang lumaban para sa korona at handang itayo ang bandera ng mga Makatizen,” pahayag ng alkalde.

ANG 24 NA KANDIDATA AT KANILANG ADBOKASIYA

Galing ang mga kandidata sa iba’t ibang barangay sa Makati. Ang mga pangunahing kuwalipikasyon ng Miss Makati 2019 ay ang mga sumusunod: single Filipino female; 17-25 years old; nakatira, nag-aaral o nagtatrabaho sa Makati; nasa 5’4” ang tangkad; at hindi bababa sa high school o Grade 12 ang tinapos.

Sa mahigit na 50 na kandidata sa preliminary screening, 24 lamang ang napili para sa final stage ng patimpalak.

Kabilang sa mga kandidatang maglalaban-laban para sa korona ay sina: Micah Beatrice Santos ng Carmona na may adbokasiyang anti-bullying. Ayon pa sa kandidata, nais nitong tulungan at protektahan ang mga taong nabibiktima nito; mai-promote naman ang turismo sa Makati at gawing center of tourism ito sa Metro Manila ang hangad ni Charlene Marie Inonog ng Kasilawan; Stepha­nie Isabelle Aquino ng Pob­lacion na ang adbokasiyang ma-improve ang edukasyon; Kristina Cassandra Bahaj (Sta. Cruz) na naglalayong maging first dementia-friendly ang Makati sa bansa; ‘Family planning and sustainable development naman ang adbokasiya ni Sophia Michaela Leanne Aguado ng Pio del Pilar; Alliaa Nicole Diputado (Tejeros) na ang nais ay maipabatid sa kabataan ang kahalagahan ng edukasyon; Venice Kayla Barra­meda (Guadalupe Viejo) na nag-aasam na mai-promote ang good oral health sa pamamagitan ng pagbibigay ng Dental Mission sa mga kapus-palad; Cultural Heritage naman sa Makati ang adbokasiya ni Gianelle Balaton ng Valenzuela; sustainability and zero waste lifestyle ang isinusulong ni Patricia Rose Pangan ng San Isidro; Mental Health Awareness ang kay Bianca Gabrielle Abaya (Poblacion); Spreading Awareness about children and adolescents’ mental health ang kay Lailah Guiuan (Pembo); Rai­sing awareness in Mental Health din ang kay Kaoru Aseana Pimentel (South Cembo); at tungkol naman sa promotion ng kultura sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga artists at local industries ang adbokasiya ni Jan Karen Esguerra ng Bel-Air.

Kasama rin sa listahan sina Monica Acuno (West Rembo) na ang adbokasiya ay mag-focus sa mga taong may disability at gumawa ng programa na magso-showcase ng kanilang galing at telento; tungkol naman sa safety ang adbokasiya ni Hannah Patricia Beatriz Kristiansen ng Northside; reduce initiatives and sustaina­bility in Makati naman ang nais ni Desiree Harriet Alyanna Gamboa ng Guadalupe Viejo. Samantalang tungkol sa Southside Building o improvised library naman ang isinusulong ni Charlyn Joyce Barrientos ng Southside.

Hangad naman ni Ma. Anna Clarisse Villavicencio ng San Antonio ang free education; Financial literacy for the youth towards nation building ang kay Marie Gabrielle Brillantes ng Poblacion. Children’s rights, specializing in edu­cating children leaning towards Science ang kay Princess Vinia Putulin ng South Cembo.

Ang kay Renee Rose Tirones ng San Lo­renzo naman ay tungkol sa breaking stigma of mental illness. Tungkol din sa mental health ang advocacy ni Elliah Kate Nicolas ng East Rembo at nais din nitong magkaroon ng higit na kaalaman ang bawat tao upang maiwasan ang stigma ng naturang kondisyon. Samantalang ang isinusulong naman ni Jeanne Pauline Suplente ng Guadalupe Viejo ay tungkol sa rights at future ng mga bata. “To advocate to my fellow Makatizens how to be socially aware about the information or news given by the city”, iyan naman ang adbokasiya ni Erika Mae Salvador ng Comembo.

Ang tatangha­ling “Miss Makati” ay bibigyan ng P200,000 cash prize, habang ang mananalong “Miss Makati Tourism” at “Miss Makatizen” ay tatanggap ng P150,000 at P100,000 cash prize. Kabilang din sa special awards na ibibigay ay mula sa Air Asia, ISkin Aesthetic Lifestyle, at Balmain. Ang iba pang pageant sponsors ay kinabibila­ngan ng Folded & Hung, Figlia Shoes, HBC (Home of Beauty and Color), DCP (Design Council Philippines), SGV & Co., at St. Giles Makati Hotel.

Comments are closed.