‘MISS MANILA 2024’ BINUKSAN NA

MATAPOS ang isang taon, muling binuksan para sa lahat ng mga aplikante ang ‘Miss Manila 2024’.

Ito ang inanunsyo ni Mayor Honey Lacuna kasabay ng pag-anyaya sa lahat ng mga kuwalipikadong residente na subukan ang kanilang kapalaran at maging mukha ng ‘kabisera ng bansa’.

Nabatid na ang prestihiyosong beauty and brain contest ay pinangangasiwaan ng department of tourism, culture and the arts (DTCAM) sa ilalim ng direktor nitong si Charlie Dungo.

Ayon kay Lacuna, ang nasabing patimpalak pagandahan ay proyekto ng pamahalaang lungsod na naghahanap ng Manileña na kumakatawan sa ‘values of empowerment and leadership’ upang magbigay ng makabuluhang kontribusyon sa kanyang kapwa taga-Maynila.

Idinagdag pa na ang Miss Manila ay dapat kumatawan sa katangian ng tunay na Manileña at siya ay matatag na tagasuporta at tagapagtaguyod ng lahat ng karapatan ng kababaihan, tunay na lider, mapag-alaga at change maker.

Sinabi ni Dungo na ang mga aplikante ay dapat na: residente ng Manila, aged between 18 and 30, single, female, of good moral character, estudyante o nagtatrabaho. Ang mga interesado ay maaaring mag-apply via http://www.missmanila.ph.

Ang ‘Miss Manila ay nagsimula noong 1998 panahon ni Mayor Alfredo Lim at itinigil noong pandemya hanggang sa muli ito inilunsad ng Lacuna administration.

Gaganapin ang Miss Manila pageant night sa Hunyo 22 bilang bahagi ng mga nakalatag na activities para sa selebrasyon ng anibersaryo ng pagkakatatag ng Maynila.

Top 100 ang pipiliin sa online application pagkatapos ay pipili ng 50 sa face-to-face audition ng Miss Manila Executive Committee.

Mula sa bilang na ito manggagaling ang 25 na magiging finalists sa pageant night mismo at mula dito ay kukuha ng top 5 kung saan mananalo ng mga sumusunod na awards: Miss Manila 2023; Miss Manila Tourism; Miss Manila Charity; First runner-up and Second runner-up.
VERLIN RUIZ