WALA munang magaganap na Miss Universe hosting sa Pilipinas ngayong taon.
Ayon kay Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat, pinag-isipan nilang mabuti kung tatanggapin ang hosting ng Miss Universe ngayong taon ngunit nagdesisyong huwag na muna itong ituloy.
Ipinaliwanag ni Puyat na ilan sa pinagbasehan nila ng desisyon ay ang kakulangan sa budget, at marami pa aniya silang ibang mga bagay na kailangang ayusin at pagtuunan ng pansin.
Bukod dito ay katatapos din lamang naman aniya na isagawa ng Miss Universe sa Pilipinas.
“Hindi muna this year,” ani Puyat, sa panayam sa radyo. “We’ll focus muna on other things. Anyway, kaka-Miss Universe lang naman so baka saka na lang. Marami muna tayo kailangan ayusin.”
Matatandaang sa Pilipinas ginanap ang naturang prestihiyosong international beauty pageant noong Enero 2017, kung saan ipinasa ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach ang korona sa nagwaging si 2016 Miss Universe Iris Mittenaere.
Kamakailan ay sinabi naman ni dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo na pinaplano nilang hilingin na maidaos muli ang isang event ng Miss Universe ngayong taon sa Boracay, na muling bubuksan matapos ang ilang buwang pagsasara at rehabilitasyon, upang makahikayat ng mas maraming turista sa bansa.
Si beauty queen Catriona Gray, na dati nang sumali sa Miss World, ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa gaganaping 67th Miss Universe ngayong taon. ANA ROSARIO HERNANDEZ