MISSING CESSNA PLANE PATULOY NA HINAHANAP

BINUO ng Incident Command System (ICS) ng pamahalaan ang isang Search and Rescue (SAR) units, para makatulong sa paghahanap sa nawawalang RP-C1234 aircraft na pag-aari ng Fliteline Airways at operated ng Cyclone Airways.

Ito ay sa pakikipagtulungan ng CAAP Operations Center (OpCen), Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) at Philippine Air Force Tactical Operations Group 2 (TOG2) Headquarters sa Cauayan City, Isabela.

Ang naturang rescue operation ay pangungunahan ni Col. Glenn Piquero na siya ring may hawak ng last recorded position ng RP-C1234 base sa Flight Radar 24 footage na provided ng CAAP PARCC.

Nakikipagtulungan din ang Palanan Philippine National Police (PNP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Isabela.

Bukod sa 32 PNP personnel kasama rin sa rescue operation ang mga kawani ng Barangay Casala, San Mariano na siyang magga-guide sa posibleng kinaroro-unan ng RP-C1234.

Ipinag-utos na rin ng Maconacon LGU sa lahat ng kanilang mga barangay at mangingisda na ipagbigay alam sa kanila ang impormasyon tungkol sa nawawalang eroplano. FROILAN MORALLOS