SAUDI ARABIA – ISANG Filipina nurse ang nawalan ng trabaho nang maling makasuhan ng pagpalsipika ng kanyang school records.
Inamin ng isang Felirose Lavinia Prada Arnesto, isang registered nurse mula Cebu, na inakusahan siya ng Saudi Arabia Ministry of Health na pineke niya ang kanyang dokumento at nang beripikahin sa school ay wala naman sa record ang kanyang pangalan na nagtapos sa nasabing paaralan.
Gayunman, kinalaunan ay napag-alamang nagkaroon ng miscommunication sa pagitan ng data verification group at ng pinasukang school ni Arnesto.
Nabatid na ang pinasukang paaralan ni Arnesto ay may apat na sangay at ang verification request ng Saudi Ministry of Health ay napunta sa ibang branch ng school kaya naman sinabing wala sa kanilang listahan ng nagtapos si Arnesto.
Dahil sa pangyayari, nilakad ni Arnesto na maikorek ang kanyang kaso na umabot ng 11 buwan at sa tulong ng Department of Foreign Affairs sa Cebu at Philippine Embassy ay naitama ang insidente.
Tiniyak naman ni Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto na kanyang tutulungan si Arnesto. PILIPINO MIRRO REPORTORIAL TEAM