AGAD na binawian ng buhay ang isang fish vendor habang malubha namang nasugatan ang kaniyang misis nang pasukin at pagbabarilin sila ng hindi pa nakilalang salarin na pumasok sa kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.
Namatay noon din ang biktimang si Gerwin Castillo Oliverio, 25-anyos habang malubha namang nasugatan ang asawa nitong si Sonia Campillos Kasilag, 45-anyos, kapwa naninirahan sa No. 364 Steve Street, Barangay Commonwealth, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang ala-6:30 ng gabi nitong Martes nang maganap ang insidente sa tahanan ng mga biktima.
Batay sa imbestigasyon ni SSg Nido Gevero Jr., ng CIDU, sa testigong nakilalang si Davie John, nakatayo siya kasama si Kasilag sa harapan ng kanilang bahay nang makarinig sila ng putok ng baril mula sa loob.
Agad na pumasok ng bahay si Davie John at doon ay bumungad sa kaniya ang duguan at wala nang buhay si Oliverio na tadtad ng tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa katawan.
Sa labas naman ng bahay ay bumulagta din si Kasilag sahi ng isang tama ng bala ng baril sa katawan kaya isinugod ito sa New Era General Hospital kung saan ay patuloy na inoobserbahan.
Nabatid na isang lalaki na armado ng baril na nakasuot ng sumbrero at short pants ang nakitang nagmamadaling lumabas mula sa tahanan ng mga biktima.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya kaugnay sa motibo ng poamamaslang upang matukoy ang salarin. EVELYN GARCIA