MISTER NAG-AMOK, NAPATAY NG PULIS

LAGUNA – Nauwi sa engkuwentro ang ginawa umanong pag-aamok ng isang mister na ikinasawi nito sa Brgy. San Jose, lungsod ng San Pablo.

Base sa ulat ng pulisya, nakilala ang napatay na suspek na si Ramil Marajas Magapi, 48 anyos, residente ng nasabing lugar.

Dakong alas 5:00 ng hapon araw ng Huwebes ng agarang magresponde sa lugar ang mga kagawad ng San Pablo City PNP Special Weapons and Tactics (SWAT) at LPMFC matapos makarating sa mga ito ang impormasyon kaugnay ng pag-aamok at walang habas umanong pagpapaputok ng baril ng suspek na nagdulot ng matinding takot ng mga residente.

Sinasabing sa halip na sumuko pinagbabaril pa umano ng suspek ang pulisya gamit ang kalibre 45 baril habang mayhawak pa na isang granada na nauwi sa pagpapalitan ng putok na agad nitong ikinasawi.

Samantala, ayon sa isinagawang pagsisiyasat, lumilitaw na palagian umanong nagpapaputok ng baril ang suspek sa tuwing magustuhan at mawawala ito sa kanyang sarili kung saan nagpapakilalang “SIGA-SIGA” sa kanilang lugar.

Nabatid pa sa pulisya na may nakaraang insidente umano ng pamamaril sa isang residente ang suspek na mapalad na nakaligtas at tuluyang lumipat ng kanyang tirahan dahil sa matinding takot.

Narekober ng pulisya sa pag-iingat ng suspek ang isang fragmentation grenade, kalibre 45 at kalibre 22 na baril. DICK GARAY

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *