CAVITE – ANG pangarap lamang sana ng mag-asawa ay makabili ng bagong sasakyan para sa paskong darating, subalit sa hindi inaasahang pangyayari ay pinagbabaril ito ng hindi kilalang ahente ng sasakyan matapos na makipagkita nitong Miyerkules ng gabi sa Asiungan Purok 6, Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas.
Patay ang 46-anyos na mister na si Edzcel Lumboy, residente ng Brgy San Lorenzo, Sta Rosa, Laguna habang inoobserbahan sa pagamutan ang misis nito na kinilala sa alyas Jackelou, 44- anyos.
Sa ulat ng pulisya, dumating ang mag-asawa sakay ng kanilang kotse na Hyundai Sedan sa Asiungan, Purok 6 Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas City sa meeting place kung saan kakatagpuing ang hindi kilalang ahente ng sasakyan.
Nang marating ng mag-asawa ang lugar sa tapat ng St. Paul School ay nilapitan agad sila ng kausap na ahente na nakilala lamang sa alyas Elmer.
Ilang minuto lamang ang pag-uusap ay sumakay na rin ang suspek sa sasakyan na dala ng mga biktima upang dalhin sila sa lugar ng pagbibilhan ng sasakyan.
Habang binabagtas ang daang Sitio Asiungan ay bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang suspek at walang-awang pinagbabaril na ang mag-asawa.
Bagaman sugatan ay nakuha pang makahingi ng tulong ang misis na kapwa dinala sa Asia Medic Hospital subalit idineklarang dead on arrival ang mister.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pangyayari.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari para sa pagkakakilanlan at pag-aresto sa suspek.
SID SAMANIEGO