MISTERYO NG TAAL VOLCANO

Taal Volcano

LAHAT ng magagandang tanawin sa Filipinas ay binabalot ng hiwaga – hiwagang hindi kayang matarok ng karaniwang kaisipang mayroon tayo. May mga kuwento itong nagpasalin-salin sa mga nagdaang henerasyon, na maaaring totoo, ngunit dahil sa tagal ng panahon ay naging alamat na lamang. Kaakibat nila si Bathala, mga diwata at engkanto.

Isa ang Taal Volcano sa mga dinarayong magandang tanawin sa Luzon, dahil napakaganda nito at sadyang kakaiba. Ito ang tinaguriang pinakamaliit na bulkan sa buong mundo, at ang kaisa-isang bulkang nasa gitna ng lawa, ngunit may hinala ang mga vulcanologists na baka hindi ito smallest volcano, kundi biggest volcano in the world, kung saan ang nakikita natin ay bunganga (crater) lamang, at ang talagang bulkan ay ang buong probinsya ng Batangas, Laguna at Ca­vite, na ang paanan ay ang Manila Bay.

Ang mga pagputok daw nito at pagbubuga ng magma ay hindi pa ang tunay na pagsabog kundi pagpapakita lamang na ito ay aktibo. Kapag sumabog daw ito ng tuluyan ay posibleng mabura sa mapa ang Filipinas, Malaysia, Indonesia, Singapore, Myanmar, Thailand at Taiwan.

Sa kabila ng takot na dulot ng katatapos na pagputok ng Taal Volcano kamakailan (January 12, 2020) na naging sanhi ng pagkawala ng tahanan ng libo-libong mamamayan mula sa pitong munisipalidad, hindi pa ito ang pinakamatinding pagsa­bog na naganap. Ang pinakagrabe raw ay naganap noong January 27, 1954 kung saan nalubog sa magma ang napakaraming bayan at hindi na nabawi ang lumubog na bayan ng Sala malapit sa Tanauan, Batangas. Matindi rin ang naging pagsabog noong 1964, kung saan nasaksihan ang napakagandang fireworks sa kalangitan, at pag-ulan ng napakakapal na abo.

ALAMAT NG BULKANG TAAL 

Taal

Ayon sa alamat, noong unang panahon, may isang lakan na namumuno sa isang napakalawak na lugar kung saan kasama ang tinatawag natin ngayong Tagaytay City, at mga bayan sa Batangas na San Nicolas, Agoncillo, Balete, Taal, Calaca, Lemery, Taal, Cuenca, Balete, Laurel, at iba pa.  Napakaganda ng klima sa nasabing lugar, at napakataba rin ng lupa.

Ang nasabing pinuno ay ang magiting na si Lakan Taal na kilala sa katalinuhan, pagiging patas, at mahusay na pamumuno. Sinusunod siya ng kanyang nasasakupan dahil naniniwala sila at nagtitiwala sa kanyang kakayahan.

Isang araw, pinulong ni Lakan Taal ang mga Rajah ng kanyang nasasakupan at dinala sa isang lugar na hindi pa nila nararating. Sinabi niyang mula sa araw na iyon, wala nang dapat umakyat sa bundok na kanyang itinuro.

Ang bundok na itinuro ng lakan ay berdeng-berde at mukhang napakayaman sa likas na yaman ngunit dahil iginagalang nila ang pinuno ay nangako silang susundin ito. Ipinaalam sa lahat ang kautusan ng lakan at lahat naman sila ay sumunod.

Sa pamumuno ni Lakan Taal, lahat ay namuhay ng maginhawa at masaya, hanggang isang araw, bigla na lamang nawala ang lakan. Ipinahanap siya ng mga rajah at datu ngunit hindi siya matagpuan saan mang sulok ng kanilang nasasakupan.

Lumipas ang mga taon. Ni bakas ng lakan ay hindi nila matagpuan at walang balitang magbabalik pa ito. Nanatiling maginhawa pa rin ang kanilang pamumuhay, ngunit patuloy pa rin nilang hinahanap ang lakan.

Hanggang isang araw, iminungkahi ng isa sa kanilang akyatin ang bundok na ipinagbawal  ng lakan na akyatin. Sinang-ayunan ito ng lahat, sa pag-asang makikita nila roon ang hinahanap.

Sa pag-akyat sa bundok, may nakita silang malaking hukay na puno ng mga mamahaling bato, brilyante, ruby, perlas at ginto. Nabulag sa kasakiman ang mga umaakyat sa bundok kaya nag-away-away sila upang makuha ang mga kayamanan.

Ngunit narinig nila ang tinig ng lakan. Inatasan sila nitong huminto sa pag-aaway ngunit nagpatuloy pa rin sila sa pag-aagawan. Dahil sa matin­ding galit, tumingala sa langit ang lakan at hiniling kay Bathala na bigyan ng kalamidad ang mga taong nag-aaway, pati na ang kanilang nasasakupan. Halos hindi pa niya natatapos ang kahilingan, biglang dumilim ang langit at nagsalimbayan ang kulog at kidlat.

Yumanig ang paligid, at mula sa hukay ay umapaw ang nagbabagang apoy. Agad na namatay ang mga nag-aaway, pati na ang mga mamamayan. Makalipas ang ilang sa­nali, nabalot ng tubig ang buong paligid, at ang lahat ng mga mahahalagang hiyas na pinag-aagawan ng mga tao ay napunta sa pinakamalalim na bahagi ng lawa. Mula noon ay hindi na muling nakita ang lakan.

Sa panahon ni Rajah Kumintang, nahati ang Taal sa tatlong probinsya – ang Cavite, Kumintang (Batangas) at Laguna. Hanggang sa kasalukuyan may mga treasure hunters pa rin na naghahanap sa nasabing kayamanan. NENET L. VILLAFANIA