(Misteryo sa 380 kilos) PAGSASAMPA NG KASO SA 4 SENIOR PNP OFFICIALS SUSI SA 1 TONELADANG SHABU HAUL SA MAYNILA

NANINIWALA ang pamunuan Philippine National Police (PNP) na posibleng maging susi sa mga misteryong bumabalot at mga katanungan na hindi pa nasasagot ang pagkakasabat sa humigit kumulang isang toneladang shabu sa Maynila noong isang taon ng mga tauhan ng pambansang kapulisan.

Ito’y kasunod ng resulta ng imbestigasyon ng 5-man advisory group na nagdadawit sa dalawang heneral at koronel ng PNP sa kalakalan ng ilegal na droga.

Una ng inirekomenda ng National Police Commission na siyang hahawak sa administrative investigation na tanggapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang courtesy resignations ng 4 na matataas na opisyal ng PNP habang patuloy na sinisiyasat ang 32 iba pa.

Naniniwala si PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., sa pamamagitan nito ay mabibigyang linaw ang mga grey area sa nangyaring operasyon.

Anim na buwan na ang nakalipas ay nanatiling palaisipan pa rin kasi kung paano naipon ang 990 kilos ng shabu nasamsam sa lending shop ng sinibak sa serbisyo na si PMSgt. Rodolfo Mayo gayundin ang pinagmulan nito.

Bukod pa sa lumutang na na isyu sa ginanap na congressional inquiry na may nawawala pang 338 kilograms ng shabu na umano’y ninakaw ng mga operatiba ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) sa kasagsagan ng anti drug operation sa Maynila.

Ang nasabing isyu ay lumutang matapos ang pitong oras na imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs na pinangunahan ni Antipolo City Congressman Romeo Acop na dating PNP Criminal Investigation and Detection Group Director.

Sinasabing ang kinupit na droga ng ilang tauhan ng PDEG ay umaabot sa 380 kilos at hindi 42 kilos lamang na umano’y ipambabayad sana sa kanilang informants.

Samantala, hindi naman makumpirma ni Acorda kung kasama ang apat na matataas na opisyal ng PNP na idinadawit sa ilegal na droga sa pagbabalik kay Mayo sa headquarters ng PNP gayong ipinatapon na ito sa Mindanao noong 2016.

Subalit sinasabing ang 4 na matataas na opisyal ay mayroong direktang partisipasyon sa pagkakasabat ng shabu noong nakalipas na taon. VERLIN RUIZ