SINIGURO ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hangga’t hindi nawawala ang mga nangongotong sa gobyerno, araw-araw ang ‘Anti-Kotong Day’ sa ilalim ng kanilang pamamahala.
“Hanggang hindi nawawala ang kotong, every day will be an ‘Anti-Kotong Day,’ ‘yon lang ang masasabi ko. Matitigil lang ang ‘yung ‘Anti-Kotong Day’ ‘pag wala nang kotong. Nagawa ko ito ‘nung chief PNP ako, nawala ang kotong kalsada,” sinabi ni Lacson sa “Meet the Press” forum kasabay ng pagdiriwang ng ‘International Anti-Corruption Day’ ngayong Huwebes (Disyembre 9).
Dagdag pa ni Lacson, “’Pag naging presidente ako at naging bise presidente si Senate President, mawawala ang kotong sa gobyerno. ‘Yan puwede naming ipangako kasi nagawa na namin.”
Sinabi ng tambalang Lacson at Sotto na korupsiyon ang pinakamalaking problema ng bansa kaya naman sa pagsusuri ng mga kailangang iboto para maging susunod na lider, giniit nila na ang katangian na kailangang hanapin ng mga Pilipino ay kung sino ang siguradong makakaresolba ng isyu ng korupsiyon.
“’Pag nagsimula ka ng anti-corruption drive dapat all the way at saka walang double standard. Hindi puwedeng lip service, hindi puwedeng double speak, dapat talagang walk the talk. E diyan kami kilala ni Senate President. We always walk the talk,” pahayag pa ni Lacson na dating hepe ng Philippine National Police at kilala sa Senado bilang tagapagbantay ng badyet ng pamahalaan.