PANSAMANTALA pang makapapanatili sa bansa ang misyonaryong madre na si Patricia Anne Fox.
Ito’y matapos na baligtarin ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang ruling ng Bureau of Immigration (BI) na nagkansela sa kanyang missionary visa at nag-utos na lisanin na nito ang Filipinas.
Sa pagkatig sa apela ni Fox, naniniwala si Guevarra na walang basehan para kanselahin ang visa ng nasabing madre.
Ipinaliwanag ni Guevarra sa kanyang resolusyon na sa kabila na may malawak na kapangyarihan ang BI alinsunod sa Immigration laws sa pag-regulate sa pagpasok at pananatili ng mga dayuhan sa bansa, ang pagkansela ng visa ay hindi kasama sa kanilang kapangyarihan.
“Our existing immigration laws outline what the BI can do to foreigners and their papers – including visas – when they commit certain acts within Philippine territory. What the BI did in this case is beyond what the law provides, that is why it has to be struck down,” giit ni Guevarra.
Sa kabila na sinasang-ayunan niya ang BI sa pahayag na ang visa ay isang prebilehiyo hindi ito dapat kinakansela ng walang basehan.
“The BI cannot simply create new procedures or new grounds to withdraw a visa already granted to a foreigner,” ayon kay Guevarra.
Gayunpaman, inatasan ni Guevarra ang BI na ituloy ang visa o deportation proceedings ni Fox.
Hanggang walang pinal na resolusyon ay maaari pang ipagpatuloy ni Fox ang kanyang missionary duties sa bansa.
Magugunita na inaresto si Fox nang ireklamo ng National Intelligence Coordinating Agency na siya ay “undesirable alien” matapos na lumahok sa rally laban sa gobyerno sa Tagum City. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.