MITCHELL HATAW NG 71 PTS SA OT WIN NG CAVS VS BULLS

NAGPASABOG si Donovan Mitchell ng Cleveland ng 71 points — napantayan ang eighth-most ever sa isang NBA game — at binura ng Cavaliers ang 21-point deficit upang gapiin ang Chicago Bulls, 145-134, sa overtime noong Lunes.

Ang kinamada ni Mitchell ang pinakamataas na single-game points total magmula nang umiskor si Lakers great Kobe Bryant ng 81 kontra Toronto noong 2006.

Tangan ni Wilt Chamberlain ang single-game scoring record na may 100 para sa Philadelphia laban sa New York Knicks noong March 2, 1962.

Si Mitchell ay ika-7 player pa lamang na umiskor ng 70 o higit pa sa isang laro.

Siya ang unang Cavs player na may 60-point regular-season game — at nagbigay siya ng 11 assists at kumalawit ng 8 rebounds.

“First and foremost, my teammates,” wika ni Mitchell sa isang on-court interview matapos ang laro.

“I know I scored 70 and all, but I wouldn’t be here without them. We wouldn’t be in this position without guys making crucial plays and that’s the honest truth.”

Umabante ang Bulls ng hanggang 21 sa second quarter at ng hanggang 18 sa third.

Gayunman ay humabol ang Cavs at naipuwersa ni Mitchell ang overtime nang makuha niya ang rebound sa sarili niyang intentionally missed free throw at ipinasok ang isang layup, may tatlong segundo ang nalalabi.

“We were treated tonight to one of the greatest performances in the history of the NBA,” sabi ni Cavaliers coach JB Bickerstaff.

Kumonekta si Mitchell sa 22 of 34 shots mula sa field, nagsalpak ng pitong three-pointers at binitbit ang Cavs team na wala sina star guard Darius Garland at forward Evan Mobley.

Umiskor si DeMar DeRozan ng 44 points para sa Bulls, na hindi naghabol sa regulation.

Warriors 143, Hawks 141

Nagbuhos si Klay Thompson ng season-high 54 points upang pangunahan ang defending champions Golden State Warriors sa panalo kontra Atlanta Hawks sa double overtime.

Ang Warriors, naglaro na wala pa rin si injured star Stephen Curry, ay nagwagi ng limang sunod sa home.

Lakers 121, Hornets 115

Kumana si Los Angeles Lakers star LeBron James ng 43 points sa panalo kontra Charlotte Hornets.

Sa iba pang laro, tumipa si Philadelphia 76ers center Joel Embiid ng 42 points at 11 rebounds sa 120-111 panalo laban sa New Orleans Pelicans, na nawala si star forward Zion Williamson sa hamstring strain.

Umiskor si Dallas star Luka Doncic ng 39 points, kumalawit ng 12 rebounds at nagbigay ng 8 assists nang pabagsakin ng Mavericks ang Rockets, 111-106.

Samantala, hinila ng Brooklyn Nets ang kanilang winning streak sa 12 games sa 139-103 win kontra San Antonio Spurs.

Pinutol naman ng Minnesota Timberwolves ang six-game skid nang ibasura ang Western Conference-leading Denver Nuggets, 124-111.