MITRA, JALASCO SA TOPS ‘USAPANG SPORTS’

Baham Mitra

SIKSIK sa impormasyon ang talakayan sa pagbisita ng dalawang higanteng sports personalities sa pagbabalik ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes, Hunyo 9, via Zoom.

Mga bagong kaganapan sa mundo ng professional sports ang ihahatid ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa kanyang pagbabalik sa lingguhang sports forum sa alas-10 ng umaga, sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at GAB.

Inaasahang makakasama ni Mitra ang kanyang mga commissioner na sina Eduard Trinidad at Raul Lagrisola para bigyan ng mukha ang mga balita at mga isyu sa professional sports tulad ng kontrobersiya sa MBPL, gayundin ang mga naganap na laban ng Pinoy pro boxers sa international arena.

Ilalahad naman ni Wushu Federation of the Philippines president Freddie Jalasco ang karanasan at tagumpay ng wushu team sa nakalipas na 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam, gayundin ang paghahanda para sa pagsabak sa iba pang international competition, kabilang ang Camdobia edition ng SEAG sa susunod na taon.

Inaanyayahan ni TOPS president Beth Repizo-Santos ang mga opisyal at miyembro ng TOPS, maging ang mga sports enthusiat na makiisa sa usapan na mapapanood din via livestreaming sa official Facebook page ng TOPS at sa YouTube.