INILUNSAD na ng lungsod ng Muntinlupa ang mix and match ng mga bakuna kontra sa COVID-19.
Ayon sa pamahalaang lungsod ng Muntinlupa, katulong nila ang DOST at Philippine Society for Allergy, Asthma, and Immunology o PSSAI sa pagsasagawa ng vaccine trial na layong matukoy ang kaligtasan ng pagkumpleto ng serye ng pagbabakuna gamit ang iba’t ibang brand ng COVID-19 vaccines na available sa Pilipinas.
Ang mga makalalahok na indibidwal ay dapat 18 taong gulang, hindi pa nagpopositibo sa COVID, hindi pa nababakunahan kontra COVID-19, malusog at may Philhealth account.
Hahatiin sa tatlong grupo ang mga kalahok sa nasabing trial, kung saan bibigyan ng Coronavac vaccines ang mga kalahok sa unang grupo o control group, bilang kanilang una at pangalawang doses.
Habang tatanggap ng bakunang Coronavac bilang unang dose ang nasa pangalawang grupo at hahatiin ang mga ito sa 250 kalahok na hiwalay bibigyan ng bakunang Pfizer, Astrazeneca, Sputnik V at Moderna bilang pangalawang doses.
Ang kalahok sa ikatlong grupo ay bibigyan ng Coronavac vaccine bilang kanilang first at second doses at makatatanggap ng mga booster shot gamit ang bakunang Pfizer, Astrazeneca, Sputnik V o Moderna.
Dito matutukoy kung magkakaroon ng magandang immune response ang isang taong nabigyan ng Coronavac vaccine bilang pangunahing bakuna at pagkatapos maturukan ng booster shot mula sa ibang brand ng bakuna kontra COVID-19.
Matatandaang inaprubahan ng FDA ang COVID-19 vaccine mix and match trials sa bansa noong Nobyembre 16. DWIZ882