INIREKOMENDA ng World Health Organization (WHO) na isang brand lamang ng Covid vaccine ang gagamitin sa parehong doses dahil hindi ‘interchangeable’ o puwedeng pagpalit-palitin ang gagamiting tatak ng bakuna.
Ito ang sinabi ni Dr. Kathryn Roa, isa sa panelists sa forum ng Philippine College of Physicians at Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases.
Ayon kay Dr. Roa, para sa mga may COVID, bago magpabakuna, dapat munang gumaling sila o maghintay ng tatlong buwan para sa mga nag-antibody therapy.
Para naman sa mga COVID survivor na nag-iisip na huwag nang magpabakuna, umaasa aniya ang mga eksperto na mas makapagbibigay ng matibay na immunity ang vaccine dahil hindi pa batid kung gaano katagal ito mula sa naturang sakit.
Para sa mga kinokonsiderang huwag nang magpabakuna gayung mataas naman ang COVID survival rate, sinabi ni Roa na totoo namang gumagaling ang karamihan sa mga nagkaka-COVID pero totoo ring nagkakaroon ng ‘severe complications’ ang ibang pasyente at may mga nagkakaroon pa ng long-term health problems.
“Getting vaccinated protects you and the people around you, including those who are most at risk and those who cannot be vaccinated. So you know there will be some individuals who will fall under the contraindicated category for COVID-19 vaccines and definitely these people will need our help to be protected from COVID-19,” paliwanag ni Roa, IDs consultant ng Davao Doctors Hospital and Southern Philippines Medical Center
Dapat naman aniyang magpakonsulta muna sa kanilang doktor bago magdesisyon kung magpapabakuna ang mga buntis at lactating women, mga immunocompromised, mga may comorbidities, may allergies sa ibang bakuna at injectable medication.
Dagdag ni Roa, kahit pa may mga bakuna na, hindi nangangahulugang malapit nang matapos ang pandemya dahil may mga dapat pang isaalang-alang, kabilang ang pagkamit ng ‘herd immunity’ at ‘vaccine effectiveness’ batay sa host factors at vaccine characteristics.
BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.