MIXED PRICE ADJUSTMENTS SA PETROLYO

MAY dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng  gasolina ng P0.55, habang bababa naman ang sa diesel ng P0.95, at kerosene ng P1.10.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Ang dagdag-bawas ay epekitibo sa alas-8 ng umaga para sa lahat ng kompanya.

Nauna nang itinaya ng Department of Energy’s Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) ang taas-presyo sa gasolina at rolbak sa diesel at kerosene, sa likod ng nagpapatuloy na geopolitical tensions, at ng hindi inaasahang pagbabawas ng fuel demand sa malalaking ekonomiya.

Gayunman, sinabi ni DOE-OIMB director Rino Abad na walang katiyakan kung magpapatuloy ang rolbak sa ilang produktong petrolyo sa mga susunod na linggo.

“Hindi pa natin masigurado kung ito’y magtutuloy-tuloy na rollback. Hindi natin inaasahan ito dahil ang trend talaga dahil sa mga events na ‘to—production cut ng OPEC, pagkakaron ng conflict doon sa Middle East. Hindi natin inaasahan na masiguro na magtutuloy-tuloy ang rollback,” pahayag ni Abad sa isang public briefing.

Noong nakaraang Martes Abril 16, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.40, diesel ng P0.958, at kerosene ng P0.85.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Abril 16, 2024, naitala ang year-to-date net increase na P9.70 kada litro para sa gasolina, P7.00 para sa diesel, at P2.25 sa kerosene.

LIZA SORIANO