LAGUNA – Hindi na umabot pa nang buhay sa pagamutan ang itinuturong miyembro umano ng “Akyat Bahay Gang” matapos ang ikinasang buy bust operation ng mga kagawad ng San Pedro City PNP Intelligence Operatives na nauwi sa engkuwentro sa bahagi ng Brgy. Cuyab, lungsod ng San Pedro, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni PSupt. Giovani Martinez, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PSSupt. Eleazar Matta, nakilala ang napatay na suspek na si Dionisio Corpin, alyas “Dodong”, naninirahan sa lugar na ito.
Sinasabing responsable ang suspek sa maraming kaso ng Akyat Bahay sa Tunasan, Muntinlupa at sa Brgy. San Antonio sa lungsod na ito.
Lumilitaw pa sa talaan ng pulisya na bukod sa pagiging miyembro ng Akyat Bahay ng suspek, responsable pa ito sa pagbebenta ng kalibre 45 baril kung saan dito agarang nagkasa ng buy bust operation ang mga tauhan ni Martinez sa lugar nang hindi inaasahang mauwi umano ito sa isang engkuwentro bandang alas-2:40 ng madaling araw.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente ang kalibre 45 baril na pistola na ginamit ng suspek at iba pang personal nitong kagamitan. DICK GARAY
Comments are closed.