LAGUNA – BINAWIAN ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isa sa itinuturong miyembro ng Barok Fajardo Drug Group matapos magawa umanong manlaban sa mga kagawad ng Calamba City PNP Drug Enforcement Unit (DEU) sa Pamana Village, Brgy. Bucal, lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ni PLt. Col. Jacinto Malinao Jr. hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang napatay na drug suspect na si Alfredo Vivas, alias Toto, naninirahan sa Brgy. Bagong Kalsada lugar na ito.
Sinasabing ang suspek na si Vivas ay napapabilang sa Provincial Level ng pulisya bukod pa ang kinakaaniban nitong grupo.
Bandang alas-10:30 ng gabi batay sa isinagawang pagsisiyasat ng magkasa ng buy bust operation ang pulisya sa lugar sa pamumuno ni PCapt. Arturo Patulot ng hindi umano inaasahang magawang manlaban ng suspek.
Mabilisang isinugod ng pulisya sa pagamutan ang suspek kung saan minalas na bawian din ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa kanyang katawan.
Narekober ng pulisya sa suspek ang isang medium at tatlo pang small heat sealed transparent plastic sachet ng shabu na nasa 1/4 gramo na umaabot sa halagang mahigit na P6,000 street value, kalibre .38 revolver, mga bala, cellphone at buy bust boodle money. DICK GARAY