MIYEMBRO NG DRUG GROUP PATAY SA ENGKUWENTRO

LAGUNA – NAMATAY sa engkwentro ang isa sa itinuturong miyembro ng “Bayot Baying Drug Group” makaraang magkasa ng buy bust operation ang mga kagawad ng Sta. Cruz Drug Enforcement Unit (DEU) sa Bgy. Sto. Angel Norte, Lunes ng umaga.

Batay sa ulat ni PLt. Col. Chitadel Gaoiran, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang suspek na si Lino Malto Ramos @NongNong, 42-anyos, biyudo, residente ng nasabing lugar.

Sa talaan ng pulisya, lumilitaw na napapabilang pa sa drug watch list, High Value Individual (HVI) ang suspek kung saan responsable umano sa pagtutulak ng droga sa apat na distrito ng lalawigan ng Laguna.
Bandang alas-11:40 ng umaga nang magkasa ng buy bust operation ang kanyang mga operatiba sa lugar sa pamumuno ni PLt. Laudemer Abang habang isa sa mga ito ang nagpanggap na poseur buyer nang hindi inaasahang mauwi sa isang engkuwentro matapos manlaban ng suspek.

Binawian nang buhay sa loob mismo ng ikalawang palapag ng inuupahang apartment ang suspek bunsod ng ilang tama ng bala na tinamo nito.

Narekober ng pulisya ang 11 piraso ng small heatsealed transparent plastic sachet ng shabu, kalibre 9mm na baril, holster, magazine at mga bala, kabilang ang halagang P4,000 cash. DICK GARAY

Comments are closed.