SINUPORTAHAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbabawal sa paggamit ng electronic cigarettes (e-cigarettes) at vapes sa mga pampublikong lugar na iminumungkahi ng Department of Health (DoH).
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, suportado ng kanyang ahensiya ang naturang hakbang ng DOH-Food and Drug Administration na naaayon para sa epektibong regulasyon ng mga Electronic Nicotine and Non-nicotine Delivery Systems (ENDS/ENNDS) products dahil nakasasama ito sa kalusugan ng tao.
“Umaasa akong mahigpit na maipapatupad ang utos bilang suporta na rin sa ating ‘smoke-free environment’ campaign,” ani Lim.
Aayudahan ng MMDA ang pag-iinspeksyon sa mga vape shop na napapaloob sa 100-perimeter radius ng mga pampubliko at pampribadong mga eskuwelahan sa Kamaynilaan.
Ang naturang hakbang ng DoH ay alinsunod sa Administrative Order (AO) 2019-0007 na nilagdaan ni Health Secretary Francisco Duque III noong Hunyo 14 kung saan nakasaad dito na kinakailangang sumailalim sa regulasyon ang paggawa, pag-distribute, at pagbebenta ng mga e-cigarettes at vapes.
Nakasaad din sa AO ng DoH na kapareho rin lamang ng paninigarilyo ang mga e-cigarette kabilang ang Electronic Nicotine and Non-nicotine Delivery Systems (ENDS/ENNDS) na may aerosolized solutions na napupunta sa baga ng tao.
Tumataas ang bilang ng mga vape shop sa Metro Manila kung saan sinabi ng base sa inspeksiyon na isinagawa ng MMDA Environmental Enforcers noong 2018 ay nasa 681 vape stores ang malapit sa mga eskuwelahan sa loob ng 100-meter perimeter radius.
Sa partial data naman noong 2017 na isinumite ng Business Permit and Licensing Offices ng ilang lokal na pamahalaan, nasa 73 lang ang lehitimo at rehistradong vape stores sa Metro Manila.
Ang ilan sa mga LGU na mayroon nang umiiral na ordinansa laban sa paggamit ng e-cigarettes ay ang mga lungsod ng Caloocan, Muntinlupa, Quezon, Taguig, at Navotas. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.