MMDA ALIGAGA SA 2025

Punong abala ang mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa pangunguna ni Chairman Atty. Don Artes, sa inspeksyon ng mga daraanan ng “Andas” mula Quirino Grandstand sa Maynila hanggang makarating sa Simbahan ng Quiapo na siyang destinasyon ng prusisyon.

Sa tradisyonal na “Pahalik” pa lamang ay dumagsa na ang mga taong sasama sa Translacion kinabukasan, January 9.

Unang ininspeksyon ni Artes ang kanilang Mobile Command Center at First Aid Station upang masigurong kung magkaroon man ng konting bulilyaso ay maaagapan agad ito ng ahensya, lalo pa inaasahan nilang mahigit anim na milyon ang bilang ng mga mamamanata, hindi pa kasama ang mga mamamanata na lamang sa bahay sa iba’t ibang kadahilanan.

Gabi pa lamang ng January 8 ay dumagsa na ang mga mananampalataya — at naalala ko tuloy ang crowd ni Elsa (Nora Aunor) sa pelikulang Himala. Umaga ng January 9 ang simula ng prusisyon, at habang sinusukat namin ito ay patuloy pa rin ang mabagal na pag-usod nito. Hindi po sumama ang inyong lingkod sa prusisyon at sa halip ay humanap ako ng conspicuous na lugar kung saan pwede kong mapanood ang prusisyon na hindi manganganib na maipit ako. Sa dami ng mga tao, inaasahan na pong magkakagitgitan at may masasaktan.

Going back to MMDA, January 8 pa lamang ay naglagay na sila ng mga plastic barriers bilang barikada upang masiguro ang kaayusan ng mga queue at tents na nagsilbing pahingahan ng mga devotees na nag-vigil upang makasama kinaumagahan sa prusisyon. Standby din ang mga emergency response para sa mga nangangailangan ng medical attention.

Nagpakalat din ng mga CCTV sa mga lugar na dadaanan ng prusisyon, upang kung sakaling may magtatangka ng masama — mandurukot o kung ano  pa mang mga petty crimes — ay agad itong matutugunan. Kaila­ngan ding mai-monitor ang traffic situation at siguruhin ang peace and order, sa pakikipagtulungan ng mga pulis.

“We have deployed 1200 personnel for the procession alone, including those who are tasked to maintain the cleanliness of the road right after the procession passes through a certain route,” ani Artes.

Siniguro rin ng MMDA Chairman ang clearing and cleaning operations upang matanggal ang mga illegally parked vehicles,at malinis agad ang mga basurang iiwanan ng mga devotees, partikular ang mga plastic na bote ng  tubig na pihadong nagkakat sa daan pagkatapos ng prusisyon ng Translacion.

“We appeal to our kababayans not to throw trash which can cause injury or harm fellow devotees who will join the procession on Thursday especially since majority of them join the Traslacion barefooted,” aniya.

Suspindido muna ang number coding scheme sa Manila City dahil non-working ho­liday ang Feast of Jesus Nazareno Day.

Ipinapayo rin ng MMDA ang rerouting para sa mga apektadong sasakyan.

Sa mga light vehicle galing South (Roxas Boulevard at Taft Ave­nue), ililipat ang ruta sa United Nations Avenue, diretso sa Nagtahan Otis, kaliwa sa Mabini Bridge patungong Magsaysay Boulevard at Lacson Ave­nue to destination and vice versa.

Sa mga galing naman sa North (Malabon-Navotas at Port area), iruruta sila sa Anda Circle patungong Soriano Avenue (Intramuros), Magallanes Drive pa­puntang Chinatown

Sa mga trucks naman papuntang North Harbor galing SLEX, diretso sila sa Osmeña Hi-way, kanyang sa Quirino Avenue, diretso sa Nagtahan St., patungong Lacson Ave­nue, kaliwa sa Yuseco St., at diretso sa Capulong St. Right turn o turn left sa R-10 road hanggang sa destination.

Ang mga trucks naman galing Parañaque area ay kakanan sa Quirino Avenue sa Nagtahan, then Lacson Ave. to destination. Gayundin ang mga rutang papuntang south.

Samantalang, pinaghahandaan na rin at nirerebisa ng MMDA ang proposed venues and activities para sa peace rally na inorganisa ng Iglesia ni Cristo na nakatakda sa January 13.

JAYZL NEBRE