WINAKASAN ng isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanyang buhay sa pamamgitan ng pabigti dahil sa sobrang depresyon sa Malabon City.
Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, nadiskubre ang walang buhay na katawan ng 59-anyos na biktima ng kanyang nakababatang kapatid na lalaki na nakabigti gamit ang lubid na nakapulupot sa kanyang leeg habang ang kabilang dulot nito ay nakatali naman sa beam ng kisame ng kanilang bahay sa No. 10 Eusebio St. Brgy. Baritan dakong alas-6:20 ng umaga.
Agad humingi ng tulong ang kapatid ng biktima sa mga barangay opisyal at kalaunan ay i-nireport ang insidente sa Malabon Police Sub-Station-7.
Nauna rito, napag-alaman ng pulisya na nakita ng kanyang bayaw ang biktima na may inaayos na lubid na naging dahilan upang tanungin niya ito ng “May hihilahin ba kayo Kuya”.
Sa pahayag ng 51-anyos na asawa ng biktima at empleyado ng Port of Manila kay police homicide investigator Cpl. Rocky Pagindas, ang kanyang mister ay dumaranas umano ng pagkabalisa at depresyon dahil sa malalang sakit.
Gumawa rin siya ng waiver for investigation at sinabi sa pulisya na hindi na sila interesado sa isasagawang autopsy dahil naniniwala sila na walang foul play ang pagkamatay ng kanyang asawa.
EVELYN GARCIA/ VICK TANES