ISA sa pangunahing problema ng bansa ang mabagal na daloy ng trapiko. Ilang administrasyon na ang nagdaan ngunit ang suliraning ito ay tila ‘di pa nalulutas. Hindi tuloy masisisi na mismong mga mamamayan na ang gumawa ng paraan upang hindi masayang ang kanilang oras at pagod sa pagkaipit sa trapiko sa pamamagitan ng paggamit ng motorsiklo.
Sa madaling salita, mismong ang lagay ng trapiko sa bansa ang nagtulak upang tumaas ang demand para sa mga motorsiklo. Dahil marami ang nagnanais magkaroon nito, hindi naman masisisi ang mga kompanya na nagbebenta ng mga motorsiklo na samantalahin ang oportunidad na ito para kumita. Napakadaling makabili ng motorsiklo sa bansa. Iba’t ibang mga promo ang inaalok ng mga kompanya. Karamihan nga sa mga ito ay nag-aalok ng opsyon na walang downpayment o paunang bayad na kailangan. Sino ba namang hindi maaakit kung abot-kaya naman ang installment payment nito.
Kung tutuusin, hindi naman dapat ituring na problema ang pagdami ng mga mamamayang pinipiling gumamit ng motorsiklo. Ito ay nagiging isyu lamang dahil sa kakulangan ng disiplina ng marami sa mga ito. Kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga gumagamit ng motorsiklo ay tumaas din ang bilang ng mga aksidenteng gaya ng banggaan na kinasasangkutan ng mga ito. Nariyan din ang mga aksidenteng dulot ng kalasingan, hindi paggamit ng helmet, paggamit ng substandard na mga helmet, at iba pa.
Batid ang patuloy na paglala ng problemang ito, inanunsiyo kamakailan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang plano nitong ilunsad ang Metro Manila Riding Academy. Layunin ng inisyatibang ito ang pababain ang bilang ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo at upang gawing mas ligtas ang lansangan.
Sa ilalim ng proyekto, bubuo ang MMDA ng technical working group na gagawa ng komprehensibong kursong tatawaging Motorcycle Safety Training Course module para sa mga baguhan at beteranong rider ng motorsiklo. Nakapaloob sa kursong ito ang iba’t ibang impormasyon gaya ng iba’t ibang uri, katangian, paraan ng pag-kontrol at operasyon ng motorsiklo. Bahagi rin ng kurso ang impormasyon ukol sa pag-iwas sa mga mapanganib na sitwasyon at ang pag-unawa sa panganib na dala ng paggamit ng motorsiklo.
Isa rin sa mahahalagang ituturo sa akademyang ito ang pagsasanay ukol sa emergency response para sa mga rider ng motorsiklo. Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, ang Metro Manila Riding Academy ang magiging sentro ng edukasyon para sa mga gumagamit ng motorsiklo.
Napakaganda ng insiyatibang ito ng MMDA dahil talaga namang hindi nawawala sa balita ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo. Napakarami na ring nasawi dahil sa iba’t ibang uri ng aksidente na sana’y naiwasan kung hindi lamang naging masyadong agresibo sa pagmamaneho ang rider.
Batay sa datos ng MMDA, nasa higit isang libong aksidenteng kinsasangkutan ng mga motorsiklo ang naitala mula Enero hanggang Agosto 2022 sa Commonwealth Avenue. Siyam dito ay nagresulta sa malalang pinsala sa mga rider habang 557 naman ang maituturing na minor na aksidente. 444 na insidente naman ang nagresulta sa damage to property. Nakalulungkot ang numerong ito dahil bukod sa hindi pa pang-buong taon ang datos, ito ay datos pa lamang mula sa isang pangunahing daan sa Metro Manila.
Noong 2021, umabot sa halos 23,000 ang naitalang aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo sa Metro Manila. Napakataas ng bilang na ito. Paano na lamang ang bilang sa buong bansa? Ang mataas na bilang na ito ay sapat na dahilan para gumawa ng programang gaya ng Metro Manila Riding Academy. Lubos akong sumasang-ayon kay GM Artes dahil talagang dapat nang aksyunan ang pananatiling mataas ng bilang ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo.
Nawa’y ito ay gawing pangkalahatan. Alam kong Metro Manila lamang ang sakop ng hurisdiksyon ng MMDA subalit sana’y sundan ito ng iba pang ahensya upang mapatupad sa buong bansa dahil hindi lang naman sa Metro Manila nagkakaroon ng mga aksidenteng may kinalaman sa motorsiklo. Napakahalagang mabigyan ng impormasyon at mapaintindi sa mga taga-probinsya ang kahalagahan ng pag-iingat, pagkakaroon ng disiplina, at paggamit ng mga protective gear gaya ng mga helmet.
Nawa’y maging magandang ehemplo ang inisyatibang ito ng MMDA sa mga kinauukulan upang bumaba ang bilang ng mga buhay na nasisira at nasasawi dahil sa mga aksidente sa daan. Ilang buhay pa ba ang dapat mawala dahil lamang sa kakulangan sa disiplina at sapat na kaalaman ukol sa paggamit ng mga motorsiklo. Oras na para siguraduhing may disiplina ang mga drayber dahil pag nangyari ito, tiyak na ilang buhay ang masasalba at ilang pamilya ang mananatiling buo.