NAGHAHANDA na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa idaraos na 55th Asian Development Bank (ADB) Annual Meeting.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Engr. Carlo Dimayuga III, magpapakalat ng 500 tauhan ng MMDA para sa nasabing aktibidad na gaganapin sa Setyembre 26 hanggang 30, 2022.
Ang mga ipakakalat na tauhan ay pawang mula sa Task Force Traffic Management at aatasang magbantay sa ADB-dedicated route para maging maayos ang biyahe ng mga delegado mula sa paliparan patungo sa hotels, venues, at iba pang engagement areas.
Titiyakin din ng MMDA na maiibsan kahit papaano ang epekto nito sa daloy ng traffic upang hindi makaabala sa mga motorista.
Tinatayang 300 delegado mula sa member-economies ng ADB ang dadalo sa aktibidad na gaganapin sa ADB Headquarters sa Ortigas Center, Mandaluyong City.
Ayon kay Dimayuga, walang lansangan na isasara sa five-day meeting pero asahan aniya ng mga motorista na magkakaroon ng epekto sa traffic sa Ortigas area at iba pang ruta.
Maaari aniyang magpatupad ng occasional traffic disruptions sq
bahagi ng EDSA mula Magallanes hanggang Ortigas, Julia Vargas, ADB Avenue, San Miguel Avenue, Guadix Drive, Bank Drive, at Saint Francis Street tuwing dadaan ang convoy ng mga delegado galing ng airport patungong Ortigas.
Magde-deploy ng traffic enforcers sa mga rutang daraanan ng mga delegado. LIZA SORIANO