NAGPAALALA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na iwasang dumaan sa mga lugar ng Pasay at Parañaque sa darating na Disyembre 23 bunsod sa pagsasara ng mga ilang kalsada rito upang bigyang daan ang nakakasang parada ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ayon sa MMDA, sisimulang isara ang kahabaan ng Dr. Arcadio Santos Avenue hanggang Santa Rita Avenue sa Parañaque City ng ala-1:00 ng hapon sa Disyembre 23.
Napag-alaman na ang lungsod ng Parañaque ang naging punong abala sa taong ito ng parada ng mga artista na sasakay sa walong naglalakihang floats kasabay sa pagdiriwang ng ika-20 taong anibersaryo ng siyudad.
Ang walong floats na sasakyan ng mga artista na kasali sa MMFF ay dadadan sa Shopwise-Sucat Road, kaliwa ng Medina Avenue, kanan ng Quirino Avenue, kaliwa ng eastbound lane ng MIA Road, kanan ng Macapagal Boulevard at kaliwa ng Bradco Avenue.
Ang mga behikulong galing naman ng Baclaran ay maaring dumaan sa westbound lane ng Dr. Arcadio Santos Avenue mula South Superhighway hanggang Santa Rita Avenue, kaliwa ng Carlos P. Garcia Avenue Extension, U-turn ng C5 Bridge, kaliwa ng Multinational Avenue, kanan ng Ninoy Aquino Avenue, kaliwa ng MIA Road, kanan ng Domestic Road, kaliwa ng Airport Road at kanan ng Quirino Avenue.
Ang parangal naman ng MMFF ay gaganapin ng Disyembre 27 sa Solaire Hotel. MARIVIC
FERNANDEZ
Comments are closed.