MMDA NAKA-BLUE ALERT STATUS VS OMPONG

MMDA Chairman Danilo Lim

MAKATI CITY – INILA­GAY sa “blue alert status” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Metro Manila, kaugnay ng ina­asahang pananalasa ng bagyong “Ompong”.

Kaya nagtalaga si MMDA Chairman Danilo Lim ng key frontliners ng ahensiya para magbigay ng kinakaila­ngang serbisyo sa gitna ng pananalasa at pagkatapos ng bagyo.

700 tauhan mula sa iba’t ibang frontline offices ng MMDA gaya ng Road Emergency Group, Public Safety Division, Flood Control and Sewerage and Management Unit, Rescue Battalion, Metro Parkways Clearing Group, Traffic Engineering Center ang naka-standby sa posibleng pagde-deploy sa kanila.

Ipinag-utos ni Lim ang pagmomobilisa ng mga disaster responders at personnel kasabay ng pagtataas ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) sa blue alert noong Huwebes.

Dahil nakataas na ang storm warning signal number 1 sa Metro Manila, inabisuhan ni Lim ang 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila na ipatupad ang kanilang disaster preparedness plan sa kanilang mga nasasakupan para na rin sa kaligtasan ng mga ito.

Handa na rin ang mga rescue van, emergency boats, military trucks, ambulansiya, rubber boats, trak ng bumbero, at mga gamit gaya ng life vests, chain saw, mobile pump, at iba pa.   MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.