CALOOCAN CITY– PATAY ang isang miyembro ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) habang tatlo pa ang sugatan matapos ang salpukan ng dalawang motorsiklo, kamakalawa ng gabi.
Agad binawian ng buhay sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan si Luis Abejar, 55, may-asawa, miyembro ng MMDA at residente ng Phase 1 PKG 2 Block 29 Lot 17, Bagong Silang, Brgy. 176.
Ginagamot naman sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital Tala si Annabelle Manahan, nasa hustong gulang, miyembro ng MMDA at residente ng Phase 1 PKG 2 Block 29 Lot 1T; Jemery Sison, 44, construction worker, ng No. 3710 Sinia Street, Sampaguita Subd., Barangay 175; at Randelito Lesigues, 38, construction worker, ng Phase 5A PKG 2 Block 16 Lot 6, Bagong Silang, Barangay 176.
Sa nakarating na ulat kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, dakong alas-10:05 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Phase 1 Road corner Grema Street, Bagong Silang, Barangay 176.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Abejar ang kawasaki big bike motorcycle na for registration angkas si Manahan habang tinatahak ang naturang lugar mula sa Langit Road patungong Nomad Court.
Pagsapit sa corner Grema St. nakasalpukan nito ang suzuki raider (NA-64279) na patungong Langit Road at minamaneho naman ni Lesigues na naging dahilan upang tumilapon ang mga ito sa motorsiklo dahil sa lakas ng salpukan.
Mabilis namang isinugod ang mga biktima sa naturang pagamutan ng rumespondeng ambulansiya ng Brgy. 176. EVELYN GARCIA
Comments are closed.