MMDA TARGET ANG ZERO CASUALTY VS BAGYONG OMPONG

MMDA-3

UPANG maabot ang “zero casualty goal” kaugnay ng inaasahang paghagupit ng bagyong Ompong, inalerto ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Council (MMDRRMC) ang mga ahensiyang kaanib nito at ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Ayon kay MMDRMC senior vice chairperson Director Romulo Cabantac Jr., makakamit ang “zero casualty goal” sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga kinakailangang paghahanda tuwing may ka­lamidad.

Hinimok naman ni ­Michael Salalima, (Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) focal person sa MMDRRMC, ang mga miyembro ng DRRMC at disaster management teams na magkaroon ng koordinasyon sa PAGASA para sa mga update sa panahon at sa Metrobase Command Center ng ahensiya.

Nasa Metrobase ang 24-oras na Crisis Monitoring and Management Center na nagsisilbing primary headquarters tuwing may kalamidad at krisis sa Metro Manila.

Dagdag pa ni Salalima, Miyerkoles pa lamang ay naka-standby na rin ang mga tauhan at disaster equipment ng MMDA.

Sa nasabing pulong, inabisuhan ang mga LGU na panatilihing bukas ang komunikasyon sa lahat ng oras para sa koordinasyon, paghahanda, at pag-sasagawa ng pre-emptive evacuations kung kinakailangan. MARIVIC FERNANDEZ