MMDA TRAFFIC ENFORCERS MAKIKITA PA RIN SA LANSANGAN HANGGANG HATINGGABI

SA TOTOO LANG, marami sa ating mga motorista ang nagbabago ang disiplina sa lansangan pagsapit ng alas diyes ng gabi. Bakit? Dahil sa mga oras na ito, halos wala na tayong nakikitang mga traffic enforcer na nagmamanman sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila.

Dahil papalapit na rin ang holiday season, inaasahan na ng Metro Manila Development Authority na medyo sisikip ang daloy ng trapiko sa mga susunod na buwan patungo sa pagsapit ng Pasko.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, simula kahapon, pahahabain na nila ang oras ng trabaho ng kanilang mga traffic enforcer na magmamanman ng trapiko sa mga pangunahing mga lansangan. Sa ilalim ng kanilang Traffic Discipline Office, palalawigin pa nila ang oras ng kanilang mga traffic officer hanggang alas dose ng hatinggabi bilang tugon sa kanilang pakikipag-usap sa mall owners at shopping cen­ters sa Metro Manila sa pagbabago ng kanilang operating hours na nagsimula nitong linggo mula 11am hanggang 11pm.

Ang diwa ng pagbabago ay upang mabawasan ang sikip ng daloy ng trapiko sa paligid ng mga malls sa pagsapit ng tinatawag natin na ‘Christmas shopping’ ng ating mga kababayan na maaaring makaapekto sa mga motorista at commuters na pumupunta sa kanilang mga opisina at pauwi sa kani-kanilang bahay.

Dati kasi, ang regular na oras ng trabaho ng mga traffic officer ng MMDA ay nagmumula ng alas singko ng madaling araw hanggang alas diyes ng gabi. Su­balit sa bagong kautusan ng Chairman Artes, magkakaroon din naman sa sapat na kabayaran ang kanilang mga tauhan sa MMDA na kasapi sa ‘extended working hours’ ng karampatang overtime pay. Mahigit kumulang ay may tinatayang 2,400 traffic enforcers ang MMDA.

Dagdag pa ni Artes na ang pangunahing trabaho ng mga traffic enforcer ay ayusin ang daloy ng trapiko. “Our primary duty and prio­rity is to manage traffic first before apprehen­ding erring motorists. We don’t allow the practice of waiting for motorists to violate traffic rules before flagging them down. However, to avoid impeded traffic flow, minor violations like swerving could be exempted on a case-to-case basis except for distracted driving and number coding,” paliwanag ni Artes.

Sinabi pa ni Artes na magkakaroon ng rotation o pag-ikot ng oras ng trabaho ang kanilang mga traffic enforcer sa panibagong oras ng pagmamanman ng trapiko hanggang hatinggabi. Maganda rin ang bayad sa kanilang overtime. Depende raw sa kanilang night differential, ang pinakamababang bayad ng kanilang OT ay 120% ng kanilang regular rate na sahod kapag nag-OT sila sa minimum ng dalawang oras.

Ngunit binalaan din ni Artes ang kanilang mga traffic enforcer na huwag sila magkumpulan sa isang lugar imbes na nagmamando sila ng trapiko. Pinagbabawal din ang paggamit ng te­lepono sa trabaho maliban lang kung talagang kinakailangan tulad ng pagreport ng mga sitwasyon sa trapiko o kaya naman ay may aksidente sa kanilang nasasakupan na lugar.

Pati ang MMDA Operations ­Monitoring and Control Center (Metrobase) ay patuloy ang operasyon sa kanilang extended hours upang manmanan ang mga CCTV upang siguraduhin na ang mga enforcer ay nagtatrabaho nang wasto at ang daloy ng trapiko ay maayos.
Kamakailan din ay pinahinto Artes ang lahat ng mga paghinto ng mga gawain at konstruksyon sa lansangan hanggang matapos ang Kapaskuhan. Kung may nakabinbin na butas, inuutusan ng MMDA na takpan muna ito ng mga steel plate upang hindi maging gambala sa daloy ng trapiko.
Sa totoo lang, maganda at mainam ang pagbabalik ni Artes sa MMDA. Bakit? Eh sa tagal ng kanyang pagserbisyo bilang isang Ehekutibo ng nasabing ahensya, alam na alam niya ang mga programa at problema na kaila­ngang tugunan upang maayos ang pamamahala sa mga pangangaila­ngan ng mga lungsod na nasasakupan ng Natio­nal Capital Region taon taon tuwing pagsapit ng panahon ng tag-init, bagyo, Semana Santa at Kapaskuhan.

Ito ay bahagi lamang ng kabuuan na mandato ng MMDA nang magkaroon na magandang implementasyon ng mga programa at polisiya upang tumulong makamit ang pag-unlad ng Metro Manila, pag-aayos ng sistema ng pampublikong transportasyon, pagtugon sa tinatawag na solid waste management, flood control, urban renewal, siguruhin ang magandang kalidad ng hangin sa pamamagitan ng pagsasaayos ng polusyon at kaligtasan, lalo na tuwing kalamidad. Mabuhay ka Chairman Romando Artes!