HIGIT pang pinagtibay ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang kanilang pangakong maibalik ang dating kagandahan ng Ilog Pasig matapos pumasok sa isang Memorandum of Agreement (MOA) at Memorandum of Cooperation (MOC) sa dalawang pribadong kompanya.
Lumagda ang PRRC sa pangunguna ni Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia ng MOA sa Bio Sperans Corporation habang ikinasa naman niya ang MOC sa Cypher Odin Incorporated kamakalawa sa tanggapan ng ahensiya.
“Layunin ng PRRC na matutukan at mapataas pa ang antas ng kalidad ng tubig sa buong Pasig River system. Sa pamamagitan ng nilagdaan nating memorandum of agreement at memorandum of cooperation sa dalawang kompanyang ito, makasisiguro ang taumbayan na makakamit natin ang adhikain ng ating pamahalaan tungo sa malinis at magandang Ilog Pasig,” ani Goitia.
Naunang lumapit ang Bio Sperans Corporation upang humingi ng pahintulot sa PRRC na maipatupad ang pilot testing na makapagpapataas ng water quality sa Estero de Concordia.
“Pangunahing layunin nito na mabawasan ang masamang amoy at mapaunlad ang kalidad ng tubig sa Estero de Concordia habang magsasagawa naman ang Cypher Odin Incorporated ng pilot studies at river quality reconnaissance upang mapag-aralan ang kasalukuyang kondisyon ng Ilog Pasig at ng iba pang tributaryo nito,” diin ni Goitia.
Umaasa rin ang PRRC na higit pang mapapaunlad ang kondisyong pangkalusugan ng mga komunidad na naninirahan sa tabi ng nasabing mga ilog lalo na nga’t matagal na silang nahaharap sa panganib ng water-borne diseases.
“Upang maisagawa ang bagong kalidad ng pamumuhay sa kalunsuran at maiangat sa Class C level ang water quality ng Ilog Pasig, regular na ipinatutupad ng PRRC ang water quality monitoring gayundin ang identification, implementation at evaluation ng solid and liquid waste management technologies at initiatives patungo sa maunlad na water quality ng ating river system,” dagdag pa ni Goitia.
Comments are closed.