PINAGTIBAY sa pagitan ng Land Transportation Office (LTO), Stradcom Corp. at Bangsamoro Autonomous Region on Muslim Mindanao (BARMM) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) upang mapadali ang pagproseso ng driver’s license, renewal at registration ng mga sasakyan sa rehiyon.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante, sumaksi sa kasunduan na layon nitong mapaganda ang modernong pagproseso ng mga transaksyon na may kaugnayan sa transportation katulad ng mga lisensiya at iba pa.
Sinabi naman ni Stradcom Corp. President/CEO Anthony Quiambao na sa naturang hakbang ay mas magiging maayos, mabilis ang proseso ng mga application ng driver’s license, renewal at car registration kung saan magsisilbing service provider ang Stradcom sa pamamagitan ng makabagong software.
Ikinagalak naman ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Minister Dickson Hermoso ang pagsasakatuparan ng contract signing at umaasang sa pamamagitan nito at mas mapapadali ang mga transaksiyon sa kanilang rehiyon upang mapadali ang kaunlaran sa kanilang lugar.
Kabilang sa mga sumaksi ay sina Stradcom Senior Vice President at COO George Tan at Bangsamoro-LTO chief Anwar Upahm. BENJIE GOMEZ