CAGAYAN – HINILING ng joint Committee Hearing on Peace and Order at Committee on Law ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang Philippine Army na gumawa ng memorandum of agreement (MOA) para sa pagbuo ng CAFGU Active Auxiliary (CAA-2) Unit sa lalawigang ito.
Layunin ng CAA-2 na mabantayan ang mga hotspot area sa Cagayan kung saan nangunguna ang New People’s Army (NPA) sa mga pananabotahe, panggugulo at panununog ng mga kagamitan ng gobyerno sa mga itinatayong proyekto.
Bukod sa pananabotahe ng NPA, patuloy pa rin ang kanilang recruitment activities sa kabataan na sumapi sa makakaliwang grupo.
Ayon kay Ex-Officio Board Member Maila Ting-Que, chairman ng Committee on Peace and Order na sa sandaling maaprubahan ng sangguniang panlalawigan ang nasabing MOA ay lalong mapapalakas ang puwersa ng militar at pulisya para sugpuin ang grupo ng NPA na naghahasik ng kaguluhan sa nasabing lalawigan.
Sa binuong komite, sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang allowance ng itatalagang 88 miyembro ng CAFGU kung saan katuwang ang militar sa pagpili ng miyembro.
Pag-aaralan at bubusisiing mabuti ng dalawang komite ang MOA sa mga itatalagang CAA-2 upang masigurong hindi maabuso ang kapangyarihang ibinigay sa kanila. IRENE GONZALES
Comments are closed.