MAS makikinabang ang mga atleta at iba pang sports stakeholders na naiipit sa anumang gusot, isyu at kontrobersiya sa pagbuo at paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng Philippine Dispute Resolution Center, Inc. (PDRCI).
Nitong Biyernes, nilagdaan nina PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez at PDRCI President Atty. Edmundo Tan ang tinaguriang ‘breakthrough’ sa Philippine sports matapos ang pagpupulong sa Philsports Complex sa Pasig City.
“This is a historic partnership not only for both the PSC and the PDRCI, but also for our stakeholders, to promote arbitration as means to resolve sports-related disputes,” pahayag ni Ramirez.
Iginiit ni Ramirez na ang naturang pagkakaisa sa pagitan ng dalawang ahensiya ay makatutulong upang mas magampanan ng PSC ang mga gawain at responsibilidad para magabayan ang mga atleta at maresolba ang isyu sa pagitan ng national sports asscoaition at ng iba pang sports organization.
“We welcome this very first partnership with the PSC. We are here to help in the urgent need to implement alternative dispute resolution (ADR) policy for our sports stakeholders,” pahayag ni Tan.
Bahagi ng layunin ng MOA na masubaybayan at magabayan ang mga sports institutionalization para maresolba ang mga isyu na kinasasangkutan ng mga atleta at opisyal na nagsisilbing balakid para maisulong ang programa ng pamahalaan sa sports development.
Kamakailan, nilagdaan din ng PSC Board ang isang panuntunan na sakop ang lahat ng national sports associations (NSAs) kung saan itinatakda na kailangang magsumite ang mga NSA sa PSC ng kanilang Articles of Incorporation (AOI) and Bylaws, isang Arbitration Provision na nasa ilalim ng Section 181 ng R.A. No. 11232 (Revised Corporation Code of the Philippines), na nakapaloob sa Republic Act 11232.
Nakapaloob din sa kasunduan ng PSC at PDRCI ang pagkakaisa para sa iba’t ibang programa at aktibidad na makatutulong sa institusyon tulad ng webinars, seminars, lectures at iba pang information dissemination and training activities.
Tutulungan din ng PDRCI ang PSC para solusyunan ang mga sports-related dispute sa pagitan ng mga atleta, asosasyon at iba pang stakeholders.
Ang signing ng MOA ay sinaksihan nina PSC Commissioner Charles Maxey at Executive Director Atty. Guillermo Iroy Jr., gayundin nina PDRCI Executive Director Atty. Arleo Magtibay Jr. at PDRCI Sports Arbitration Committee Chairman Atty. Charlie Ho.
Kamakailan ay nagulantang ang mundo ng sports nang ibunyag ng Patafa ang umano’y pagwawaldas ni Olympian pole vaulter EJ Obiena sa pondong nakalaan bilang pambayad sa kanyang foreign coach. Kagyat itong itinanggi ni Obiena at ng mismong Serbian coach at nagbanta ang PH record holder at World No.5 na magreretiro na lamang kung hindi maglalabas ng ‘public apology’ ang Patafa.
Kabilang si Obiena sa priotiry athletes na binibigyan ng PSC ng P40,000 monthly allowances, bukod sa budget sa training at equipment sa abroad. Liyamado ang 25-anyos na si Obiena na magwagi ng gintong medalya sa SEA Games at Asian Games na gaganapin sa susunod na taon. EDWIN ROLLON