IMINUNGKAHI ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento na pagamitin ng alternatibong paraan ang mga pasahero sa pagbabayad ng pamasahe.
Hiniling ni Sarmiento na i-upgrade ang sistema sa pamamagitan ng paggamit ng Quick Response Code o QR Code at iba pang mobile applications na maaaring pa-loadan online o sa mga reloading kiosk.
Sinabi ng kongresista na maaaring gawing standardized ang paggamit ng QR codes sa pagbabayad ng pamasahe sa mga public transportation lalo na kung hindi available ang beep cards.
Itinutulak din ng mambabatas sa Department of Transportation (DOTR) na lumikha ng sariling ‘fare reloading app’ gamit ang iba’t ibang uri ng electronic wallets at electronic banking platforms.
Aniya, maaaring i-tap ang pribadong sektor para rito upang maiwasan ang mahabang pila ng mga tao para makuha o mapa-loadan ang kanilang beep cards at mabawasan din ang human-to-human interaction upang hindi mahawaan ng COVID-19.
Naniniwala si Sarmiento na mas tipid ang mga alternatibong paraan at environment-friendly pa dahil hindi na kakailanganin na mag-mass produce ng plastic cards at hindi na rin kakailanganing i-subsidize ng gobyerno ang production cost nito.
Iginiit din ng kongresista na hindi sustainable na solusyon ang pamimigay ng libreng beep cards sa mga commuter dahil sa katagalan ay babayaran din ito ng mga pasahero dahil hindi naman libre ang produksiyon ng mga card.
Ang mungkahi ay kasunod ng pagtalima ng DOTR sa pansamantalang pagsuspinde sa mandatoryong paggamit ng Beep card na inulan ng mga batikos dahil sa sobrang mahal ng presyo. CONDE BATAC
Comments are closed.