TATLONG linggo na ang nakakaraan nang umpisahan ang “mobile bakery hot pandesal” na pagmamay-ari ni Jomar Segovia Andrin, 36-anyos, tubong Masbate, at may 4 na taong gulang na may sakit na leukemia.
Alas-3 pa lamang ng madaling-araw ay abala na si Jomar sa paggawa at pagmasa ng arina para sa kanyang produktong pandesal de malunggay.
Gamit ang kanyang mobile bakery ay ilalako ng kanyang kababayang si Felix Capiznon ang mainit na pandesal sa palengke ng Tanza, Cavite.
Hanggang alas-7 ng umaga ay pinipilahan ang kanyang hot pandesal malunggay.
Kumikita ng P1,500 bawat araw ang mobile bakery kung saan mas mabenta ang ganitong paraan kumpara sa nakapirming tindahan.
“Matumal na ang benta ng panaderya ko sa bahay kaya naisipan kong gumawa ng mobile bakery.
Mukhang maganda ang bentahan dito. Kasi pwedeng ang mobile bakery mismo ang pupunta sa tao”, kuwento ni Jomar.
Dumaranas ngayon ng malaking pagsubok sa buhay si Jomar dahil sa anak niyang may sakit na leukemia.
Problemang malaki ang pinansiyal na gastusin sa pagpapagamot sa anak na may sakit.
Panalangin nito sa Maykapal ang maagang paggaling ng kanyang bunsong anak at ang patuloy na pagtangkilik ng mga tao sa kanyang produktong pandesal de malunggay. SID SAMANIEGO