‘MOBILE MONEY’ SA OFWs

REMITTANCE

DAHIL sa remittance charges na ipinapataw ng mga bangko, mas mainam umanong gumamit ng ‘mobile money’ ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa kanilang pagpapadala ng pera sa Filipinas.

Ayon sa datos ng House Committee on Overseas Workers Affairs, na pinamumunuan ni Partylist ANGKLA Rep. Jesulito Manalo, nakasaad sa report ng World Bank (WB) hinggil sa pinakahuling ‘remittance prices worldwide’, sa second quarter ng 2018 ay nasa 3.20% ng halagang ipadadala ang global average kapag gumamit ng ‘mobile cash transfer’.

Bumaba pa umano ito kumpara sa kahalintulad na panahon noong 2017 kung saan 3.29 percent ang global average cost sa ‘mobile money transactions’.

Kung ang pagpapadala ng pera ng OFWs ay sa pamamagitan ng bangko, ang global average ay nasa 10.41% ng halagang remittance, bagama’t mababa na rin ito sa naitalang 10.99% noong nakaraang taon.

Mayroong namang tinatawag na remittances sa pamamagitan ng ‘money transfer operators’ gaya ng Western Union at MoneyGram, na ang global average naman na sinisingil ng mga ito ay nasa 6.15%, mababa pa rin sa 6.23% na global average noong 2017.

Bagama’t kakaunti na lamang, nabatid ng naturang komite na kung ang money remittance ay idadaan sa postal offices, ang global average cost nito ay nasa 6.81% ng kabuuang halaga ng perang ipadadala, na noong 2017 ay nasa 6.85%.

Sa kasalukuyan ay nananatili umanong pangunahing tinatangkilik ng nakararaming OFWs sa kanilang money transfer transactions ay sa pamamagitan ng bangko, bagama’t mas mahal ang charges na ipinapataw sa kanila rito.

Nitong nakaraang linggo, nagpalabas ng report ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung saan nabatid na sa buwan ng Hulyo 2018 ay umabot sa $2.401 billion ang OFW remittances, mataas ng 5.2% sa naitalang $2.283 billion noong Hulyo 2017.

Kung pagbabatayan ang global average na 10.41% na singil sa bank money transfer, aabot sa halagang $250 million ang kabuuang ginastos ng OFWs sa kanilang pagpapadala ng pera sa bansa.

Nauna rito, isinusulong ng United Nations’ Social Development Goals na mabawasan ng 3% ang singil sa cash remittances bilang pagigiit na magkaroon nang pagkakapantay-pantay sa hanay ng lahat ng mga dayuhang manggagawa saan mang sulok sila ng mundo nagtatrabaho.

Kaya naman kung maibababa lamang sa 5.2% ang global average sa halaga ng money transfer, magreresulta ito sa kabawasan o makatitipid ng $125 million o P6.75 billion kada buwan sa pagbabayad ng OFWs.  ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.