INILUNSAD ng Parañaque government ang Mobile Palengke na iikot sa bawat barangay sa lungsod upang magtinda ng mga ‘basic commodities’.
Unang nilapagan ng Mobile Palengke ng Parañaque kahapon ang Barangay Marcelo Green.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, ang tanging adhikain sa paglulunsad ng Mobile Palengke ay upang ang mga pang-araw-araw na pangangailangan sa pagkain ng mga residente ay mismo sa kanilang mga barangay na mabibili habang napapailalim sa enhanced community quarantine ang buong bansa dulot sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dagdag pa ni Olivarez, matutulungan din nito ang mga residente sa pananatili sa kani-kanilang mga tahanan at mababawasan ang pagpunta ng mga residente sa palengke.
Sa pamimili sa Mobile Palengke ay mahigpit pa ring ipatutupad ang social distancing habang mag-uumpisa ang pagtitinda mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 38 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 8 na rito ang namamatay habang nakapagtala sila ng 527 na persons under investigation (PUI) at 353 naman ang persons under monitoring (PUM). MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.