Inilunsad ng Department of Agriculture – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) ang kauna-unahang Mobile Soil Laboratory (MSL) sa bansa na hakbang upang matulungan ang mga magsasaka na matukoy ang wastong lupa na maaari nilang pagtaniman at ang mga bagay na maaaring gamitin dito matapos masigurong malusog ang kani-kanilang lupa na tutulong sa pagpapalakas ng produksyon ng kanilang mga pananim.
Ang paglulunsad ay isinagawa sa Malakanyang sa pangunguna ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. Ang MSL ay isang state-of-the-art na 10 wheeler truck na may mga makabagong kagamitan upang suriin ang 42 soil parameters.
Layunin nito na mapalapit ang serbisyo nito sa mga lugar na nangangailangan nito. May kakayahan ang MSL na magsuri ng mahigit 40 kemikal, physical at microbiological parameter ng lupa at tubig. Sa pamamagitan nito matutulungan ang mga magsasaka na masigurong malusog ang kani kanilang lupa.
Unang mag-ooperate ito sa San Ildefonso, Bulacan, partikular sa National Soil and Water Resources Research Development Lowland Pedo-Ecological Zone.
Ayon sa DA makikinabang ang mga magsasaka sa wastong soil data para sa epektibong paggamit ng pataba, mapahusay ang ani at mapaganda ang produksiyon.
Target ng administrasyon na magkaroon ng MSL sa lahat ng rehiyon.
“Simula pa lamang ito. Sa unang bahagi ng 2025 layunin natin maglunsad ng karagdagang 6 pa na mobile soil laboratory sa buong bansa. Isa bawat rehiyon,”sabi ni Marcos.
“Of course next year malaki ang budget na ilalagay natin sa Bureau of Soils to make fix soil labs per regions. Pero dapat per province na,”sabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr.
Ayon sa kalihim plano ng pamahalaan na bumili pa ng dagdag na 16 na MSL units. Ikakalat ito sa iba’t ibang rehiyon upang madaling magamit sa pagsuri ng lupa.
“Naayon ito sa adhikain ng Pangulo na mapalakas ang ani ng mga magsasaka at madagdagan ang kanilang kita,” sabi ni Tiu-Laurel.
Ayon kay Laurel, umaasa sila na pagtuntong ng taong 2026 makapaglalagay ang ahensya ng permanente o fixed soil laboratory sa kada probinsya.
Umaasa si Laurel na ang BSWM ay patuloy na magpapaganda sa kanilang mga pasilidad, mga kagamitan at training programs. Ang mga pagsisikap na ito ay may layuning mapatatag ang serbisyo sa pagsusuri ng lupa sa buong bansa.
Ang inisyatibang MSL ay bahagi ng adhikain ng gobyerno para sa mas malawak na pagsusulong ng modernisasyon sa agrikultura. Sa pamamagitan ng paghahatid ng napapanahong soil data, isusulong ng programa ang tamang paraan ng pagsasaka at angkop na mga pamamaraan.
Ang mga pagbabagong ito ay inaasahang magpapahusay sa seguridad sa pagkain, katatagan at paglago ng ekonomiya para sa mga magsasaka sa buong Pilipinas.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia