MOCK POLLS IDARAOS

MOCK POLLS

ISANG mock election ang nakatakdang isagawa ng Commission on Elections (Comelec) sa Sabado, Enero 19, para sa National and Local Elections (NLE) sa Mayo 13.

Sa isang press briefing kahapon, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na 60 ang itinalagang polling precincts sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kabilang dito ang Quezon City (1st at 2nd District), Manila (5th District), Pasig (2nd District), Taguig, Pateros, Valenzuela City (1st District), at Muntinlupa sa National Capital Region (NCR), at Alaminos City at Dagupan City sa Pa­n­gasinan;  at Tuguegarao City at Aparri sa Caga­yan, para sa Luzon.

Sa Visayas ay gaganapin ito sa Cebu City (1st district) at Santander, sa Cebu;  Albuquerque at Cortes sa Bohol habang sa Min-danao naman ay makakasama ang Dapitan City at Sergio Osmeña, Sr. sa Zamboanga del Norte; Digos City at Bansalan sa Davao del Sur; General Santos City at Surallah sa South Cotabato; Jolo at Tongkil sa Sulu; at Lamitan at Sumisip naman sa Basilan.

Inilatag din naman ni Jimenez ang magiging proseso ng mock elections na isasagawa mula 6:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, maliban sa mga presinto sa Barangay Bahay Toro, sa Quezon City; Barangay Pinagbuhatan sa Pasig City at Barangay 669 sa Maynila, na isasagawa naman ng mula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.

Ayon kay Jimenez, mas mahaba ang mock elections sa mga natu­rang barangay sa Metro Manila dahil dito nila isasagawa ang pilot tests ng voter registration verification system (VRVS) na siyang gagamitin nila sa pagtukoy sa pagkaka­kilanlan ng mga botante sa pamamagitan ng kanilang biometrics, kaya’t gagamitan ang prosesong ito ng fingerprint scanner.

Sakali umanong hindi lumabas ang pagkaka­kilanlan ng botante sa auto search ay maaari namang magsagawa ng manual search ang electoral board.

Sa pagtaya ng Comelec, maaaring tumagal lamang ng hanggang 10 minuto ang kabuuang proseso nang pagboto ng isang rehis-tradong botante.

Inaasahang mga dummy lamang ang mga pangalang gagamitin sa balota, at kabilang sa ipa­susubok sa mga botante ay ang pag-si-shade ng mga balota hanggang sa pagsusubo ng kanilang balota sa vote counting machines (VCMs).

Nabatid na layunin ng pagdaraos ng mock elections na masubukan ang functionality ng mga VCM at matukoy ang mga problemang maaari nilang kaharapin sa mismong araw ng halalan, upang kaagad na masolusyunan ang mga ito. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.