MODERN JEEPNEYS AARANGKADA NA SA SENADO

Secretary Arthur Tugade

AARANGKADA na ang bagong Public Utility Jeepneys (PUJs) ng Se­nate Employees Transport Service Cooperative (SETSCO) bilang tugon sa isinusulong na jeepney modernization program ng pamahalaan.

Pasisinayaan ngayong araw sa Senado ang may 15 bus na ipagkakaloob ng Department of Transportation (DOTr) sa SETSCO na ang magiging ruta ay magsisimula sa Cultural Center of the Philippines at magtatapos sa Parañaque Integrated Terminal Exchange.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra III, nagpapakita lamang ito na pinapaboran ng transport leaders ang pagkakaroon ng maayos na sistema sa transportasyon.

“Kaya naman po talaga itong gawin. Nakasuporta po tayo sa mga kooperatiba basta’t kumpleto ang mga dokumento, may maayos na ruta at kaisa natin sa pagsusulong ng PUVMP. Sila rin naman po ang makikinabang dito sa bandang huli,” giit ni Delgra.

Ang SETSCO ang ikalawang kooperatiba na pinagkalooban ng prangkisa ng modern jeepney  kung saan ang loan ay mula sa Development Bank of the Philippines.

Binigyang-diin din ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang commitment ng pamahalaan na magkaroon ng modernong transportasyon sa bansa.

“We cannot delay nor deny the public of their right to convenient, affordable and roadworthy mass transport,” ani Tugade.

Layon ng jeepney modernization program na mapalitan ng electrically-powered engines with solar-panel roofs  ang mga unit ng jeepney na 15 taon nang pumapasada sa kalsada.  VICKY CERVALES

 

Comments are closed.