MODERNISASYON NG AFP

SA selebrasyon ng ika-89 ani­bersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay iniharap  kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ilang bagong assets nito.

Patunay ito na nagpapatuloy nag modernisasyon sa Hukbong Sandatahan.

Ibig sabihin nito ay kayang makipagsabayan sa mahusay na pagdepensa ng militar sa estado kasabay na mataas na morale ng ating mga sundalo.

Sa Lapu-Lapu Grandstand sa Camp Aguinaldo, ipinakita ang mga kagamitan tulad ng T-128 attack helicopter, tracked light tank at maging ang tangkeng ipina­ngalan kay dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. noong major pa ito.

Ipinangalan sa dating pangulo ang isang Command Post Attack Vehicle bilang pagpupugay sa pagiging  Medal of Valor Awardee at naging bahagi sa tropa ng Pilipinas noong World War II.

Tampok din sa ibinida sa Pa­ngulo ang 10 bagong Black Hawk helicopter ng Philippine Air Force na kararating lamang ngayong buwan.

Ang programa ay pinangunahan ng Pangulo kasama sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., gayundin sina National Security Adviser Eduardo Año, Presidential Peace Adviser Carlito Galvez at Presidential Assistant for Maritime Concerns Andres Centino