MULING nakita ang kahinaan ng mga electric cooperatives (EC) na makapaghatid ng maayos na suplay ng koryente nang hagupitin ng apat na magkakasunod na bagyo kamakailan lamang ang iba’t ibang lalawigan at rehiyon, na nag-iwan ng malaking pinsala sa kabuhayan at ekonomiya.
Ayon sa National Electrification Authority (NEA), 27 kooperatiba ng elektrisidad o EC mula sa 21 probinsya na sakop ng 7 rehiyon ang naakpetuhan ng 4 na bagyo.
Dahil sa magkakasunod na hagupit ng mga bagyo, napilitan silang itigil pansamantala ang kanilang operasyon, kaya nawalan ng koryente ang maraming residente ng ilang araw.
May ginagawa nang paraan ang mga kooperatiba para maibalik ulit ang suplay ng koryente pero mukhang bibilang pa ng ilang araw bago matapos ang pagkukumpuni ng mga naapektuhang imprastraktura ng mga kooperatiba.
Dahil sa mga bagyong Marce, Nika, Ofel at Pepito, aabot sa P40 milyon ang halaga ng mga nasirang makina ng mga kooperatiba, ayon sa NEA.
Hindi katulad ng malalaking kompanya na naghahatid ng koryente sa bansa, ang imprastraktura ng mga maliliit na kooperatiba sa mga lalawigan ay hindi matibay, bukod pa sa kulang sila sa kakayahang teknikal para masuplayan ng tamang dami ng koryente ang mga konsyumer.
Umaasa ang mga kooperatiba sa NEA para magkaroon ng pondo upang makapaglatag at makapagpatupad sila ng mga programang elektripikasyon
Pero kahit na may pondo sila para pag-ibayuhin ang kanilang operasyon at serbisyong publiko, hindi pa rin handa ang mga EC kapag may mga malalakas na bagyo, gaya ng nangyari ngayong buwan ng Nobyembre.
Lubhang natatagalan ang mga EC na maibalik ang paghahatid ng koryente sa mga lugar kung saan nanalasa ang mga bagyo.
Sabi ng NEA, kahit na humupa na ang ulan at baha, sa 376 bayan na dinaanan ng bagyo, 314 (83.5%) pa lang ang naibalik ang suplay ng koryente o di kaya ay partial pa lang ang may enerhiya na.
Kumpara sa Kamaynilaan at ilang karatig-lalawigan na sakop sa prangkisa ng Meralco, agad nang naibalik ang suplay ng koryente ng mga residente. Ito ay dahil sa may maayos na teknikal na kaalaman ang Meralco, at may mga maaasahan at kwalipikado silang teknikal na empleyado para agarang masolusyunan ang problemang elektrisidad.
Noong ideklarang super typhoon na ang katergorya ng bagyong Pepito, ang mga EC ay napilitang itigil ang kanilang operasyon para hindi na labis na maapektuhan ang kanilang imprastraktura.
Para mapigilan na ang ganitong insidente, kailangan ng mga kooperatiba na magtayo ng matibay na imprastraktura para masiguro na sila’y makapaghahatid ng tamang suplay ng koryente para mabigyan ng sapat na enerhiya ang mga residente at mga negosyante, may bagyo man o wala.
Ang malalaking kompanya na nagpamamahagi ng koryente sa bansa kagaya ng Meralco ay handang magbigay ng tulong teknikal sa mga kooperatiba, na hindi kayang ibigay ng ibang malalaking kompanya o EC sa bansa.
Sa kasalukuyan, may pag-uusap nang ginagawa ang Meralco sa mga kooperatiba sa mga lalawigan ng Batangas. Ito ang ang BATELEC 1 at 2.
Mataas ng kagustuhan ng mga residente sa Timog na hayaang makapasok ang malalaking kompanya sa kanilang probinsya para makipag-partner sa mga kooperatiba at matulungan sila na ayusin ang pamamaraan ng kanilang paghahatid ng koryente at serbisyong pampubliko.
May malalim na bulsa ang Meralco para mag-infuse ng kapital upang pag-ibayuhin ang serbisyo ng kooperatiba sa pamamagitan ng tamang pamumuhunan sa imprastraktura, sistema, at pagsasanay ng kanilang mga tauhang teknikal.
Ang Meralco ay ang pinakamalaking pribadong kompanya sa bansa na naghahatid ng koryente sa 39 lungsod at 72 munisipalidad. Aabot sa 55 porsiyento ng dami ng koryente sa bansa ay galing sa Meralco.