MODERNISASYON NG MAGAT DAM INIUTOS NI PBBM

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) na gawing makabago at i-rehabilitate ang Magat Dam.

Ayon sa Punong Ehekutibo, natayo ang Magat Dam noong 1975 pa ng kanyang amang si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. at kailangan na ang rehabilitasyon.

“Nag-uusap nga kami ni Administrator Guillen. ‘Ika namin, balikan natin, tingnan natin ullit ‘yung Magat Dam at tingnan natin kung pupuwede pa. Mukhang mayroon pang kailangan. Mayroon siguro rehabilitation na kailangan.

Pagandahin natin,” pahayag ni PBBM sa inagurasyon ng P65.7-million Cabaruan solar-powered irrigation project (SPIP) sa Brgy. Cabaruan, Quirino, Isabela.

“Lagyan din natin ng ganitong solar kung babagay siya para naman i-modernize natin lahat ng ating mga facilities,” diin pa ng Pangulo.

Ang Magat Dam ay major source ng irrigation na may lawak na 85,000 hectares ng bukirin sa Cagayan Valley region.

Pinagmumulan din ng 540 megawatts ng hydroelectric power. Subalit ang dam ay pinangangambahang magpatuloy ang pagbaba dahil Sq siltation, sedimentation, slash-and-burn farming, illegal logging, at fish caging.

Ang Cagayan River ang pinakamahabang ilog sa Pilipinas na taglay ang potential para sa sektor ng agrikultura.

Bukod sa Magat modernization, inatasan din ng Pangulo ang NIA na pag-aralan ang irrigation assets kaakibat ang power generation potential.

“Inaanyayahan ko rin kayong pag-aralan kung alin pa sa mga irrigation assets natin sa bansa ang maaari nating lagyan ng power generation [facilities] kagaya rito o iba pang mga pasilidad upang lubos nating mapakinabangan ang mga ito at mabawasan ang gastos na pasanin ng ating mga magsasaka sa pagpapatakbo nito,” anang Pangulo.
EVELYN QUIROZ