TAHASANG sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na tuloy na tuloy at walang atrasan ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sa pahayag ng DOTr, tuloy na ang implementasyon ng planong modernisasyon sa mga public utility jeeps (PUJs).
Ito ay sa kabila ng ulat sa Senado hinggil sa pagtigil umano ng PUVMP .
Kaugnay nito, kahit tuloy-tuloy na ang pag arangkada ng modernisasyon ng mga PUJ ay nananatiling bukas pa rin ang DOTr sa mga operator na bigong makapag-renew ng kanilang mga pampasadang sasakyan bago ang June 2020 deadline.
“Ang nabanggit ay kung sakali mang mabigo ang mga operator ng mga lumang jeepney na mag-modernize ng kanilang mga unit pagsapit ng Hulyo 2020, pansamantala ay pahihintulutan muna sila ng DOTr na makapamasada sa kondisyong papasa ang kanilang mga lumang unit sa road-worthiness test sa ilalim ng technology-based Motor Vehicle Inspection System (MVIS), na walang human intervention,” pahayag ng DOTr.
Nilinaw ito ng DOTr dahil na rin sa mga balitang naglabasan matapos ang deliberasyon ng Senado sa panukalang P147-billion budget ng ahensiya.
Kapag pumasa ng MVIS, ang isang unit ng jeep ay makatatanggap ng pang-isang taon na Provisional Authority ang operator mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Kaakibat nito ang responsibilidad na taunang pagpapasailalim sa road worthiness check ng unit.
Sa deliberasyon ng Senado para sa pondo ng DOTr sa 2020, sinabing susundin ng kagawaran ang rekomendasyon ni Senadora Grace Poe.
“They complied with your recommendation so all PUJs will be allowed to ply on the road as long as they pass the motor vehicle inspection system or road worthiness test,” pahayag naman ni Senador Sherwin Gatchalian na nag-sponsor ng pondo ng DOTr. VERLIN RUIZ
Comments are closed.