MODERNIZATION NG AFP PINAIIGTING

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paghanga at pagpuri sa mga personnel lalo na sa mga piloto ng Philippine Air Force (PAF) kasunod ng pagpapalakas ng kapabilidad at depensa ng Pilipinas.

“Ang gagaling talaga ng piloto natin. That’s why we have to continue to encourage the modernization of our Armed Forces para ‘yung capabilities natin ay mas tumibay pa, “ sabi ni Pangulong Marcos sa panayam sa media kasunod ng kanyang pagdalo sa paglulunsad ng ‘Kadiwa ng Pangulo’ Para sa mga Manggagawa sa Quezon City.

“And we saw some of the capabilities that were demonstrated to me during the flight and we can see how important this increase in our capabilities is going to be, especially in the defense of our maritime territory,” dagdag ng Pangulo.

Sumakay ang Pangulo sa FA-50PH fighter jet ng PAF upang saksihan ang kakayahan nito sa isang flight demonstration sa Clark Air Base sa Pampanga noong Martes.

Inilarawan ng Pangulo ang kanyang karanasan sa fighter jet bilang “kamangha-mangha” at “napaka-kawili-wili”, at sinabing mahusay ang trabaho ng kanyang piloto dahil hindi man lang siya nahilo at hindi nahirapan sa kanilang naging paglipad.

Ang paglipad sakay ng isang fighter jet ay isang bagay na matagal nang gustong gawin ng Pangulo.

Sa PAF event sa Pampanga, nagpahayag si Pangulong Marcos ng kumpiyansa na ang pagkuha ng makabagong sasakyang panghimpapawid ng Air Force ay mapapabuti ang mga sistema ng depensa ng bansa.

Bukod sa pagpapakita ng kakayahan sa paglipad ng FA-50PH fighter jets at pagtanggap nito, pinangunahan din ni Marcos ang turn-over at blessing ceremony ng C-295 Medium Lift Aircraft, ang pinakabagong henerasyon ng tactical airlifter sa light and medium segment. EVELYN QUIROZ