HINILING ni Senador Win Gatchalian sa Department of Transportation na balikan at tingnan muli ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) nito sa gitna ng malamig na pagtanggap ng karamihan ng transport groups.
Inihayag ito ni Gatchalian, chairman ng Committee on Finance (Subcommittee E), nang pamunuan niya ang pagdinig sa ₱147 bilyon budget ng ahensiya para sa 2020.
Sa pagdinig, ginisa ni Gatchalian ang DOTr sa layunin nitong gawing makabago at ayusin ang public transport system ng bansa, na inilunsad ng gobyerno taong 2015. Kinuwestiyon ng mambabatas ang mabagal na pagpapatupad ng programa simula noong ito ay simulan, at sinabing ang disbursement rate ng programa ay 4% lamang.
“Ang pinakakaraniwang feedback na nakukuha ko ay napakahirap daw sumunod sa mga dokumento pagdating sa isyu ng pangangapital,” ani Gatchalian. “Mataas na masyado iyong interest rates na binibigay nu’ng bangko at iyon teknolohiyang kailangan – ‘yung cashless payment – may-roong problema rito.”
“Ibig sabihin, talagang kailangan natin na balikan ang programa. Bukod pa sa muling pagbisita sa istratehiya, kailangan din natin na muling bisitahin ang programa. Maraming mga sagabal. Kaya ‘yung pagkuha, na makikita sa mga dokumento, ay mabagal na mabagal,” dagdag niya.
Sinabi ni DOTr Undersecretary Mark Richmund De Leon sa pagdinig ng Senado na tinitingnan ng ahensiya na palitan ang kalahati ng PUJs sa buong bansa sa susunod na tatlong taon dahil luma at sira-sira na ang mga ito.
Ayon sa datos mula sa DOTr, ang public utility bus (PUBs) at public utility jeepneys (PUJs) ay pinupunan ang 67% ng demand ngunit gumagamit lamang ng 28% ng espasyo ng kalsada. Mayroong humigit kumulang 234,739 PUJs sa buong bansa, kung saan halos 90% ay 15 taong gulang pataas.
Sinabi naman ni DOTr Secretary Arturo Tugade na nagbigay na sila ng subsidiya upang hikayatin ang mga operator ng PUJ na palitan na ang kanilang mga lumang jeepney ng makabago at environment-friendly na mga sasakyan. Pinagpalagay niyang ang ang pinakamurang unit ay pumapatak ng ₱900,000 na may amortisasyon na ₱500 kada araw. Ang mas malaking mga yunit na nagkakahalagang ₱1.6 milyon, sa kabilang banda, ay mayroong amortisasyon na ₱1,000 kada araw.
Ibinalita ng DOTr na nasa halos 575 units na ang nabigyan ng loans na nagkakahalaga sa ₱1 bilyon habang ₱4 bilyon ang nakalinya na sa aplikasyon para sa 1,238 units. Sa kasalukuyan, mayroon nang 2,595 units ang tumatakbo sa 320 na mga ruta habang nasa 130,000 miyembro ang nagsama-sama sa loob ng 952 na mga kooperatiba.
Ipinagmalaki rin ni De Leon sa mga senador na ang pagpatupad ng makabagong PUJs ay matagumpay na naisagawa sa Taguig, na sinagot ng senador mula sa Valenzuela ng: “Ang Taguig ay hindi buong Pilipinas (sic). Dapat nating siyasating mabuti kung ilang jeep ba talaga ang kailangan na bumibiyahe sa kalsada. ‘Yun ay mas siyentipiko at maayos na paraan sa lahat ng ito.”
“Suportado ng mga senador ang programang ito. Nasa inyo ang suporta namin. Ang kailangan lang naming maintindihan ay ang istratehiya upang mapalitan ang PUVs base sa masusing pagsisiyasat,” diin ni Gatchalian.
“Nais kong malaman ito bago dinggin sa plenaryo. Binibigyan namin kayo ng humigit kumulang isang buwan. Bago natin dinggin ito sa plenaryo, gusto kong isumite n’yo ito, dahil ang halaga ng pinag-uusapan natin ay napakalaking halaga,” dagdag pa niya. VICKY CERVALES
Comments are closed.