MAINIT na isyu ang programang ‘build, build, build’ ng administrasyon ni Pangulong Duterte. Layon nito ay gumawa ng mga karagdagang mga imprastraktura tulad ng riles ng tren, subways, at highways na magkokonekta sa mga lalawagin ng bayan. Magreresulta ito ng mas mabilis at ligtas na biyahe sa mga motorista. Ito ang kasagutan sa grabeng traffic sa mga pangunahing siyudad ng bayan.
Kasama rito ay ang mga planong pagpapatayo ng mga paliparan o airports sa ating bansa. Ang pinag-uusapan dito ay tulad ng rehabilitasyon ng NAIA at Clark Airport sa Pampanga. Ganun din ang plano ng San Miguel Corporation na magtayo ng isang ‘aeropolis’ sa lalawigan ng Bulacan.
Ngunit ang magandang sampol ng isang modernong paliparan ay mararamdaman na sa Cebu. Sa ika-7 ng Hunyo, pasisinayaan ang Terminal 2 ng Mactan Cebu International Airport. Nagkakahalaga ang proyektong ito ng P17.5-billion. Ang nasabing proyekto ay sinimulan noong panahon ng nakaraang administrasyon ni Noynoy Aquino.
Ayon sa aking nasagap na balita, dadalo raw si Pangulong Duterte. Ayon sa presidente ng GMR-Megawide Cebu Airport Corporation na si Louie Ferrer, ang aktuwal ng opisyal na operasyon ng nasabing airport ay magsisimula sa ika-1 ng Hulyo nitong taon.
Subalit sa mga piling araw bago ang July 1, bukas sa publiko ito upang bisitahin at silipin ang kanilang modernong pasilidad. Kasama rito ay ang mga sinasabing ‘test runs’ upang masiguro na sa takdang araw ng pormal na operasyon ay walang aberyang mangyayari.
Ayon sa mga opisyal ng GMR-Megawide, inaasahan nilang tataas ang dami ng pasahero ng 12.5 milyon kada taon. Ang Terminal 2 ng Mactan-Cebu Airport ay nakalaan para sa international flights.
Dagdag pa ng GMR-Megawide na ang 65, 500 square meters na terminal ay dinisenyo ng Integrated Design Associates na nakabase sa Hong Kong sa pakikipagtulungan ng mga batikang Pilipino designers tulad nina Budji Layug, Royal Pinda at ang kilalang designer na taga Cebu na si Kenneth Cobonpue.
Ang tema raw ng disenyo ng nasabing airport ay nagpapahiwatig ng mabuting kaugalian at kultura ng mga Pilipino bilang palakaibigan at masayahin. Nakita ko na ang Terminal 2 mga ilang buwan na ang nakaraan at kapansin-pansin ang kakaibang bubungan nito na gawa sa kahoy. Nababalot din ito ng mga malalaking salamin na bintana na nakapagbigay ng pakiramdam na malaking espasyo. Maaliwalas din ang nasabing paliparan dahil sa natural na sikat ng araw na pumapasok dito. Magkakaroon sila ng 48 check-in counters na maaaring ma-expand ng 72 kung sakaling magkaroon ng pagkakataon na dumagsa ang dami ng mga pasahero.
Tila talagang moderno ang Terminal 2 ng Mactan-Cebu International Airport. Dahil magkakaroon sila ng 7 passenger boarding bridges na maaring ma-expand ng 12. Ang buong terminal ay may 12 na escalators at 15 na elevators. Malawak din ang lugar ng paradahan ng mga sasakyan.
Kaya hayan… mukhang sampol pa lamang ito ng mga inaasahan nating mga modernong imprastraktura na ating makikita sa mga susunod na taon. Sana naman ay makatulong ang mga ito sa pag-unlad ng ating ekonomiya na siyang magbibigay ng ginhawa sa ating kabuhayan.
Comments are closed.